Remulla sa ICC: Sa halip na PH drug war, drug cartel imbestigahan!

Remulla sa ICC: Sa halip na PH drug war, drug cartel imbestigahan!

February 21, 2023 @ 6:50 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Kinuwestiyon ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla nitong Martes kung bakit iniimbestigahan ng International Criminal Court (ICC) ang Philippine drug war at hindi ang drug cartels.

“Kung talagang nais ng ICC na mag imbestiga, bakit hindi nila imbestigahan ‘yung mga drug cartel na sumisira sa ating bansa. Kaya tayo naman ay nagkakaroon ng drug war,” pahayag ni Remulla.

Nauna nang inihayag ni Remulla na umaasa siyang hindi politically-motivated ang imbestigasyon sa drug war ng Duterte administration.

Pinayagan ng ICC kamakailan ang muling pagbubukas sa imbestigasyon sa drug war sa bansa sa ilalim ng Duterte administration.

Subalit, sinabi ng mga awtoridad na walang hurisdiksyon ang ICC sa Pilipinas matapos kumalas ng bansa sa Rome Statute, na nagtatag sa ICC noong March 2019.

Nagsumite ang pamahalaan ng Pilipinas ng notice of appeal sa ICC Appeals Chamber, at sinabing hindi ito sang-ayon sa konklusyon ng Pre-Trial Chamber nang payagan ang muling pag-iimbestiga.

Samantala, inihayag ni Remulla ang “silent drug war” sa bansa dahil aktibo pa rin sang mga kartel.

“Bakit hindi ‘yun ang imbestigahan nila. Bakit hindi nila imbestigahan ang mga sindikato na nag tra-traffick ng mag bata at ng mga kababaihan. Napakarami nilang pwedeng imbestigahan sa karapatan ng mga taong bayan,” giit ni Remulla.

“Bakit sila kailangan isaisahin o kaya sinusinuhin ang mga Pilipinong nakukursunodahan nila. Eh, ang ICC para sa mga individual ‘yan eh. Tayo we defend the individuals in our country… pinangangalagaan natin ang estado,” dagdag niya.

Inilahad ni Remulla na nakipagkita siya kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Solicitor General Menardo Guevarra hinggil sa tugon ng gobyerno sa ICC, at balak umanong umapela muli ng bansa laban sa muling pagbubukas ng imbestigasyon bago sumapit ang March 13 deadline. RNT/SA