Remulla sa ICC: Wala kayong karapatan makialam!

Remulla sa ICC: Wala kayong karapatan makialam!

September 29, 2022 @ 7:42 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Iginiit ni Justice Secretary Jesus Crispin C. Remulla na hindi na dapat nakikialam sa estado ng Pilipinas ang International Criminal Court (ICC).

Ayon kay Remulla maayos na gumagana ang investigative at judicial systems sa bansa.

Binigyang-diin ng kalihim na hindi na miyembro ang Pilipinas sa ICC at naisumite naman na ang mga hininging dokumento batay sa prinsipyo ng pakikitungo at hindi bilang pagtalima sa utos ng ICC.

Una nang binalewala ni ICC Prosecutor Karim Khan ang isinumiteng “The Observation on the Request of the Office of the Prosecutor (OTP) to Resume Investigation in the Republic of the Philippines” at iginiit na ituloy ang imbestigasyon sa mga umano’y paglabag ng dating pangulong Rodrigo Duterte sa ipinatupad na kampanya kontra iligal na droga.

Sinabi ni Khan na hindi umano naipakita ng pamahalaan ng Pilipinas na nagsasagawa ito ng imbestigasyon batay sa pamantayan ng ICC.

Pinatutsadahan naman ni Remulla si Khan at sinabing dapat itong tumakbong sa eleksyon sa Pilipinas.

Nakakadismaya aniyang isipin na may dayuhan na gaya ni Khan na nagmamarunong at nag aakala na mas maraming alam sa pagpapatakbo ng pamahalaan.

Samantala, tiniyak naman ni Remulla na patuloy ang pamahalaan sa imbestigasyon at pag usig sa mga kaso na sinasabing may kinalaman sa drug war ng dating administrasyon. Teresa Tavares