REMULLA ,  SAGUN,   MAGSASAGUPA  SA CAVITE  SPECIAL ELECTION

REMULLA ,  SAGUN,   MAGSASAGUPA  SA CAVITE  SPECIAL ELECTION

December 8, 2022 @ 2:06 AM 2 months ago


TULOY na tuloy  na ang Special Election sa 7th District  ng Cavite sa Pebrero 25, 2023 para sa pagka congressman matapos may apat na kakandidato ang nag-file ng kani-kanilang Certificate of Candidacy  sa Cavite Provincial Commission on Election Office sa Bahay Sanayan Building sa Trece Martires City. 
Naghain ng kanyang COC sa COMELEC noong Lunes ang dating Ama ng Lungsod ng Trece na si  Mayor Melencio “Jun” L. De Sagun, Jr.
Nagtungo muna siya sa Saint Jude Thaddeus Parish sa Trece Martires City para magsimba at magdasal bago naghain ng kanyang  COC kasama ang ilan sa kanyang malalapit na kaibigan.
Samantala, nakapaghain na ng kanyang  COC sa COMELEC Office sa Trece Martires City noong Martes ang dating Konsehal ng Bayan ng Indang at kasalukuyang Bokal ng ika-pitong distrito ng Cavite na si Crispin Diego “Ping” D. Remulla.
Dumagsa upang samahan si BM Ping ng mga tagasuporta mula sa mga kapwa lingkod-bayan  at mamamayan ng Amadeo, Indang, Trece Martires City at Tanza sa paligid ng COMELEC. 
Kasama ni Remulla ang kanyang  esposa, anak at kapatid na si Francisco Gabriel “Abeng” D. Remulla. 
Kandidato si Remulla sa pagka Congressman sa ilalim ng tiket ng National Unity Party. 
Mayroon ding dalawa pang nag-file ng kanilang COC’s na nakilalang sina  Jose Angelito Aguinaldo mula sa bayan ng Tanza at Michael Angelo Santos mula sa Brgy. Hugo Perez sa Trece Martires City na pawang mga Independent.
Matatandaang nanalong Congressman ng walang kalaban si Hon. Jesus Crispin “Boying” C. Remulla noong halalang Mayo 2022 datapwa’t dalawang linggo matapos siyang magwagi ay inialok sa kanya ng nanalong bagong Pangulo Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang pagiging Secretary ng Department of Justice .
Tumayong caretaker naman si House of Representatives Speaker Hon. Ferdinand Martin Romualdez sa nabakanteng tanggapan sa Kongreso ni  Sec. Remulla at ito ay kanyang itu-turn over sa mananalong congressman pagkatapos ng halalan sa Pebrero 25, 2023.
Ayon sa COMELEC National Office,  magsisimula ang official campaign period sa January 26, 2023 hanggang February 23, 2023 lamang. Magaganap ang halalan sa February 25, 2023.