Rep. Teves isasalang sa imbestigasyon ng Ethics Committee

Rep. Teves isasalang sa imbestigasyon ng Ethics Committee

March 16, 2023 @ 12:20 PM 2 weeks ago


Manila, Philippines – Isasailalim na sa imbestigasyon ng Kamara si Negros Oriental Rep. Arnolfo “Arnie” Teves, Jr. sa kabiguan niya na makabalik sa bansa sa takdang panahon gaya ng naunang ipinagpaalam nito.

Kinumpirma ni House Majority Leader Mannix Dalipe na napagdesisyunan ng mga miembro ng House Committee on Ethics na magsagawa na ng kusang pagsisiyasat sa hindi pagtugon ni Teves na makauwi ng Pilipinas sa kabila ng direktang kautusan ng liderato ng Kamara.

Nauna ng inatasan ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez si Teves na bumalik na ng bansa dahil bukod sa hanggang February 27 lamang ang paalam nito ay dapat ding harapin nito ang mga alegasyon laban sa kongresista.

“Please be informed that the Committee on Ethics and Privileges in its meeting held today, 15 March 2023, has decided to acquire jurisdiction and to conduct motu proprio investigation over Representative of the Third District of Negros Oriental, Honorable Arnolfo ‘Arnie’ A. Teves, Jr.’s failure to return to the country despite the direct order of the Honorable Speaker and the expiration of his travel clearance dated 27 February 2023,” giit ni Dalipe.

Ipinauubaya na rin ng liderato ng Kamara sa komite ang magiging rekomendasyon nito at kaukulang aksyon sa hindi pagtugon ni Teves sa direktang atas ni Romualdez sa kaniya.

“Pending submission of the Report by the Committee on Ethics to the Plenary, we leave it to the sound discretion of the Committee to investigate and recommend imposition of the appropriate disciplinary action,” dagdag pa ni Dalipe.

Si Teves ay nasasangkot ngayon sa kaso ng pagpatay sa siyam katao sa kaniyang lalawigan kabilang dito si Negros Oriental Governor Roel Degamo na nauna na ring pinabulaanan ng kongresista.

Nauna ng sumulat si Teves kay Romualdez upang humingi pa ng dalawang buwan na leave of absence dahil sa aniya’y security threat sa kaniyang buhay at kaniyang pamilya.

“The undersigned Representative of the Third District of Negros Oriental humbly plea and request that he be granted a two-month leave absence due to very grave security threat to his life and to his family, to be reckoned from March 9, 2023,” batay sa sulat ni Teves sa Kamara.

Ang pormal na kahilingan ni Teves ay natanggap ng Kamara kahapon, March 15 bagama’t ito ay may petsang March 9, 2023.

Tiniyak pa ni Teves batay pa rin sa kaniyang liham na agad siyang babalik ng Pilipinas sakaling matiyak ang kaligtasan niya at para harapin ang mga alegasyon laban sa kaniya. Meliza Maluntag