Repair ng mga nasirang kalsada, tulay aabutin pa ng 2-3 linggo – DPWH

Repair ng mga nasirang kalsada, tulay aabutin pa ng 2-3 linggo – DPWH

November 3, 2022 @ 4:31 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Posibleng abutin pa ng dalawa hanggang tatlong linggo ang pagsasaayos ng mga nasirang kalsada at tulay dulot ng bagyong Paeng.

Ito ang sinabi ng Department of Public Works and Highways (DPWH) nitong Huwebes, Nobyembre 3 kung saan ay umabot na sa P2.09 bilyon halaga ng imprastruktura ang nasira batay sa initial assessment.

Ani DPWH Secretary Manuel Bonoan, hindi kaya kung mamadaliin ang pagsasaayos sa isang linggo lamang.

“We have to engage contractors and we also have to look for the funds to be able to undertake all the reconstruction projects,” pahayag ni Bonoan.

Dagdag pa ng ahensya, kailangan nila ng inisyal na P300 milyon pondo sa pagpapagawa ng mga nasirang kalsada at tulay sa walong rehiyon na apektado ng bagyo.

Kasalukuyan pang isinasapinal ang magagastos sa agarang pagsasaayos ng mga napinsalang imprastruktura upang mapabilis na rin ang paghahatid ng mga pangangailangan sa mga apektadong lugar.

Sisikapin din ng DPWH ang permanent rehabilitation at pagsasaayos ng mga napinsalang kalsada, dulay at dike na magiging matatag sa mga kalamidad dulot ng climate change. RNT/JGC