Repair sa bahagi ng C5 flyover kasado sa Biyernes

Repair sa bahagi ng C5 flyover kasado sa Biyernes

December 1, 2022 @ 6:00 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Nag-abiso sa mga motorista an humanap muna ng alternatibong ruta sa isasagawang rehabilitasyon sa southbound lanes ng C5 Ortigas Flyover at C5 Pasig Boulevard Flyover simula Biyernes ng gabi, Dis. 2, 2022.

Isasara ang isang linya sa dalawang nabanggit na flyovers mula alas-10 ng gabi na puede na ulit daanan pagsapit ng alas-5 ng umaga araw-araw, ayon kay Metro Manila 1st District Engineer Medel Chua.

“Araw-araw ‘yun for 15 to 20 days siguro so target namin diyan mabuksan ng before Christmas, 19 usapan namin. I-open namin sa traffic though may kaunting curing pa ‘yan,” pahayag ni Chua.

Aniya pa, 5 expansion joints sa Ortigas Flyover at pito sa Pasig Blvd. Flyover ang nakatakdang ayusin mula Dis. 2 hanggang 30.

“Iso-shorten po natin ‘yun hangga’t maaga,” sabi niya.

“Expected namin baka 31 mabuksan na ‘yung flyover ‘yung kalahating section. January na siguro gagawin ‘yung kalahati ng tulay,” patuloy ni Chua.

Pagkatapos ng repair sa C5 Flyover, target namang kumpunihin ang EDSA Ortigas Flyover sa susunod na taon.

“Mas malamang na mas mapaaga tayo. Malaking problem ‘yung sa EDSA, 3 lane yun eh,” ayon sa kanya.

Halo P12.9 milyon ang inilaang budget para sa repair ng limang expansion joints ng C5 Ortigas Flyover, habang P18.7 milyon naman para sa rehabilitasyon ng C5 Pasig Boulevard. RNT/SA