Repair sa inner lane ng C5, kasado na – DPWH

Repair sa inner lane ng C5, kasado na – DPWH

January 22, 2023 @ 3:10 PM 5 days ago


MANILA, Philippines – Inanunsyo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na kasado na ang pagsasaayos ng bridge expansion joint sa inner lane ng C5 Ortigas Flyover at C5 Pasig Boulevard ngayong linggo.

Matatandaan na naunang inanunsyo ng DPWH na sisimulan ang month-long repair sa nasabing tulay nitong Sabado, Enero 21 ngunit inilipat ito sa bagong petsa dahil sa pagdiriwang ng Chinese New Year.

“Itong section, last December gumawa tayo. Iyong flyover dalawang lane. Outer lane, natapos natin. Ngayon iyong kalahati ng flyover, iyong inner lane [ang] gagawin,” ani Metro Manila First District Engr. Medel Chua.

Ang repair sa 4-meter inner lane ng dalawang flyover ay tatagal ng hanggang isang buwan.

“[Iyong una] nasira lately, diyan kasi dumadaan truck. Truck lane iyan. Ni repair na lang din natin [iyong] other half,” paliwanag pa ni Chua.

“Kung mapapansin niyo sa flyover, mayroong maliit na space diyan na tinatawag nating expansion joint. ‘Di ba thermal ‘yan, konkreto, nag-i-expand kapag mainit. Nagko-contract kapag malamig. So iyan… para ‘di masira,” dagdag nito.

Nag-abiso naman ang DPWH sa mga motorista na asahan ang mabigat na daloy ng trapiko sa C5 habang isinasagawa ang repair.

“Malaki na iyong gap. May naka-expose na bakal. Reklamo ng motorsiklo lalo na, delikado. Marami maaaksidente. Habang kotse, ma-flat tire,” ani Chua.

Ang bahaging aayusin ay sarado sa trapiko araw-araw mula alas-10 ng gabi hanggang alas-5 ng madaling araw.

Inaabisuhan naman ang mga motorista na may malaking sasakyan na maghanap na lamang ng alternatibong ruta. RNT/JGC