Reparation pay sa mga naapektuhan ng Marawi siege, isinulong sa Kamara

Reparation pay sa mga naapektuhan ng Marawi siege, isinulong sa Kamara

June 18, 2018 @ 3:17 PM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Isinusulong ng isang mambabatas sa House of Representatives na magbigay ng reparation pay sa mga naapektuhan ng 5 buwang giyera sa Marawi sa katwirang hindi umano sapat ang pabahay na alok ng gobyerno upang makabangon ang mga residente na nasadlak sa sobrang kahirapan dala ng giyera.

Sa inihaing House Bill No 7711 ni Lanao del Sur 1st District Rep. Ansarrudin Adiong, sinabi nito na ang kanyang panukala ay magbibigay ng tulong sa kanyang mga kababayan na makalipas ang 1 taon ay hindi pa rin nakakabangon sa bangungot na kanilang sinapit na nawalan ng negosyo, tirahan at ari-arian.

Sa kanyang panukala nais ni Adiong na mabigyan ng kabayaran ang mga nasa most affected area ng digmaan at ang mga nasa Greater Marawi Area na siyang pinakanaapektuhan ng digmaan.

Hiniling ng mambabatas na maglalaan ang pamahalaan ng P20B na gagamiting trust fund na pagkukuhan ng perang pambayad sa mga apektado ng giyera at lilika din ng Board of Marawi Siege Compensation na pamumunuan ng pinuno Housing and Urban Development Council (HUDCC) katuwang ang iba pang ahensya ng national at local government ng Marawi City at Lanao del Sur.

Ani Adiong ang bubuuing board ang siyang mag-aaral, tatanggap ng aplikasyon at magbibigay ng kabayaran sa mga beneficiary.

Iginiit nito na malaking hakbang ang pagkakaroon ng reparation pay upang makapagsimulang muli ang kanyang mga kababayan, aniya, nakapanlulumo ang kinasapitan ng mga residente ng Marawi na sa isang iglap ay nawala lahat ang kanilang pinaghirapan. (Gail Mendoza)