Reporma sa hustisya, pagpapatupad ng batas siniguro ni Remulla sa UNHRC

Reporma sa hustisya, pagpapatupad ng batas siniguro ni Remulla sa UNHRC

October 6, 2022 @ 11:55 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Inihayag ni Justice Secretary Crispin Remulla sa UN Human Rights Council (UNHRC) sa Geneva na nagpapatupad ang adminsitrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ng mga pagbabagong-anyo sa justice sector at sinisugrong naipapatupad ang mga batas sa Pilipinas.

Sa kanyang talumpati sa ika-51 sesyon ng UNHRC, sinabi ni  Remulla na ang mga reporma ay ginagawa para “siguraduhin ang panuntunan ng batas at ang pagtataguyod at pagprotekta sa mga karapatang pantao ng lahat ng mamamayan nito.”

Sa kampanya ng iligal na droga, sinabi ni Remulla na nais ni Marcos na mahuli ang mga “criminal mastermind” dahil binigyan niya ng diin na sentro ng bagong adminsitrasyon ang rehabilitasyon, pag-iwas, edukasyon at tulong sa mga biktima at kanilang mga pamilya.

Sinabi ni Remulla, sa kanyang talumpati, na muling sinusuri ng Department of Justice ang ilang insidente na kinasasangkutan ng anti-illegal drug campaign ng gobyerno.

“Kamakailan, hindi bababa sa pitong insidente na kinasasangkutan ng mga pagkamatay ang inihain sa mga korte, kung saan 25 na pulis ang kinasuhan. Hindi bababa sa walong pulis ang na-dismiss sa serbisyo, at lima ang nasuspinde o binigyan ng sanction,” aniya.

Idinagdag niya na may kabuuang 302 na kaso ang isinangguni ng Review Panel sa National Bureau of Investigation para sa pagbuo ng kaso.”

Binanggit din ni Remulla, isang dating mambabatas, ang pagpapalaya sa 371 katao na pinagkaitan ng kanilang kalayaan noong Setyembre.

Sinabi ni Remulla na ang gobyerno ng Pilipinas ay patuloy na makikipag-ugnayan sa Member States, UN, at iba’t ibang stakeholder sa karapatang pantao “sa loob ng mga parameter ng sarili nating katotohanan at mga institusyon.”

Sa hiwalay na pahayag, sinita ng Human Rights Watch (HRW) ang  UNHRC dahil sa umanoy pagpapabaya nito sa mga biktima ng mga paglabag sa karapatang pantao sa Pilipinas sa pagkabigo na magpasa ng isang resolusyon ngayong taon na tutugon sa isyu.

Ayon sa international watchdog, tatapusin ng UNHRC ang kanilang 51st session sa Oktubre 7 nang hindi nagsasagawa ng aksyon sa sitwasyon ng karapatang pantao ng Pilipinas sa kabila ng mga alalahanin na ibinangon ng iba’t ibang sektor, kabilang ang mga pamilya ng mga biktima. RNT