Resbak ng mga ‘pasaway’ pinangangambahan sa pagtatapos ng ECQ 2.0

Resbak ng mga ‘pasaway’ pinangangambahan sa pagtatapos ng ECQ 2.0

April 8, 2021 @ 9:00 AM 2 weeks ago

  •  
  •  
  •  

MANILA, Philippines – Nangangamba ang mga nag-iingat na residente sa Caloocan-Malabon-Navotas-Valenzuela (CAMANAVA) area sa pagbabalik sa nakaugaliang pagsuway sa health protocols ang mga pasaway sa sandaling magtapos ang pagpapatupad ng enhanced community quarantine (ECQ) sa Abril 11.

Kabilang sa mga pinangangambahang makakalimutan na namang gawin ay ang pagsunod sa curfew, ipatupad ang social distancing at pagusuot ng face mask at shield sa mga pampublikong lugar at sasakyan.

Kaugnay nito, nagpapatupad ng mas mahigpit na mga hakbang upang makatulong na mapigilan ang paglobo ng mga kaso ng COVID-19 ang lungsod ng Navotas.

Nakasaad sa City Ordinance No. 2021-20 na dapat na maglagay ng transparent plastic o acetate barrier para sa driver at sa pagitan ng mga upuan ng jeep. Nararapat na panatilihing maayos ang barriers at kapag nasira ay dapat na palitan.

Hanggang kalahati rin lang ng kapasidad ng pasahero jeep ang pwedeng punuin.

Ang mga susuway ay pagmumultahin ng P500 sa unang paglabag, P750 sa ikalawa at P1,000 sa pangatlo at susunod pang ‘di pagtalima. Sakop ng ordinansa ang mga operator at drivers ng jeep na bumibyahe sa lungsod.

Inamyendahan naman ng City Ordinance No.2021-21 ang Section 6 ng City Ordinance No. 2020-40 o ang “Wear Your Face Shield Ordinance of Navotas City” at nakasaad dito na ang mahuhuling walang suot na face shield habang nasa pampublikong transportasyon, nasa lugar ng trabaho, palengke at iba pang enclosed na pampublikong lugar o establisimyento sa lungsod ay bibigyan ng kaukulang parusa.

Isailalim sa mandatory RT-PCR test na iiskedyul sa loob ng isang linggo mula sa oras ng pagkakahuli at sa pasya ng City Health Office ang lalabag sa unang pagkakataon.  Sa ikalawang paglabag ay pagbabayarin na ang pasaway ng P500 o 16 oras na community service sa ilalim ng pangangasiwa ng anomang tanggapan ng gobyerno ng lungsod kung mahuli sa loob ng 14 na araw mula sa kanilang unang paglabag. Kung lumipas ang 14 na araw, isasalang sila uli sa free mandatory swab testing.

Kung hindi available ang RT-PCR test, ay P500 multa o 16 oras na community service ang parusa at kung ang mga lumabag ay menor-de-edad, ang kanilang magulang o guardian ang sasailalim sa swab test o magbabayad ng multa.

Samantala, sa kabila ng ECQ at ipinatupad na P5,000 multa, 29 na pasaway ang sinakote dahil sa paglabag sa curfew sa Valenzuela City.

Binitbit ang mga lumabag sa St. Jude Covered Court sa Barangay Malinta kung saan anim na oras silang “dinoktrinahan” ng mga parak, mula 11 ng gabi hanggang alas-5 ng umaga.

Umikot ang lecture sa batas sa pag-uulat ng mga communicable disease, mga city ordinance kaugnay ng pag-iwas sa COVID-19 gaya ng curfew, anti-loitering, social distancing, pagusuot ng face mask, liquor ban at iba pa.

Nagpalabas din ng video presentation ang pulisya na nagpapakita ng mga epekto ng COVID-19 sa komunidad at sa mamamayan at pati ang tungkol sa ‘End Local Communist Armed Conflict’ o ELCAC ay tinalakay rin.

Sa lungsod naman ng Malabon, sa gitna ng patuloy na pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19 ay patuloy na pagtaas din ng bilang ng mga lumalabag sa mga patakaran at ordinansa, karamihan ay mga kabataang tila hindi mapakali sa loob ng kanilang mga bahay.

Ayon sa pamahalaang lungsod, marami pa ring kabataan ang nahuhuling nakatambay at nakakalat sa lansangan. Pinapaalalahanan ang mga magulang na sila ang mananagot sa anomang paglabag ng kanilang mga anak, gaya ng nakasaad sa City Ordinance No. 21-2020. Merly Iral


  •  
  •  
  •