‘Resbakuna sa Botika’ sa Baguio City aarangkada na- Dizon

‘Resbakuna sa Botika’ sa Baguio City aarangkada na- Dizon

January 25, 2022 @ 12:17 PM 8 months ago


MANILA, Philippines – Ipatutupad na sa Miyerkules, Enero 26, ng National Task Force Against COVID-19 (NTF) ang “Resbakuna sa Botika” sa Baguio City.

Ito ang inulat ni Presidential Adviser for Covid-19 Response Vivencio Dizon kay Pangulong Rodrigo Duterte sa Talk the People ng huli, Lunes ng gabi.

Ani Dizon, bibilisan ng NTF ang rollout ng booster shots sa Baguio City sa gitna ng tumataas na COVID-19 cases doon.

“Because many vaccinators are getting sick, we will initially open two pharmacies in Baguio City,” ayon kay Dizon.

Noong nakaraang linggo, inilunsad ng NTF ang “Resbakuna sa Botika” sa Kalakhang Maynila na naglalayong dalhin ang COVID-19 booster shots malapit sa publiko sa pamamagitan ng gawing vaccination sites para sa booster jabs ang mga botika o drugstores.

Kabilang sa mga lumahok na pharmacies sa Metro Manila ay ang Mercury Drug, Watsons, The Generics Pharmacy, Generika Drugstore, Southstar Drug, at Rose Pharmacy.

Ang private clinics gaya ng QualiMed at Healthway ay nagpartisipa rin sa nasabing inisyatiba sa ilalim ng “Resbakuna sa Klinika”.

Inilarawan naman ni Dizon ang pilot run na matagumpay.

Sa kabilang dako, nakapagtala naman ang NTF ng 2,242 booster shots sa ginawang two-day pilot run ng “Resbakuna sa Botika at Klinika” sa National Capital Region.

“I think the success of the pilot of the ‘Bakuna sa Botika at Klinika’ shows us the way forward,” ayon kay Dizon sabay sabing “(W)e have pharmacies in all corners of the country. This is really the way forward.”

Samantala, suportado naman ni Dizon ang rekumendasyon ni Senador Christopher Lawrence Go na magbigay ng insentibo sa mga pharmacists, na magtuturok ng Covid-19 booster shots under sa ilalim ng bagong vaccination initiative.

Aniya, pag-uusapan nila ang bagay na ito sa Department of Health at National Vaccination Operations Center. Kris Jose