Rescue team pinayagan ng Phivolcs pumunta sa Mayon – CAAP

Rescue team pinayagan ng Phivolcs pumunta sa Mayon – CAAP

February 20, 2023 @ 5:46 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Pinayagan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang search and rescue team na pumasok sa bisinidad ng Bulkang Mayon upang hanapin ang nawawalang Cessna plane, sa kabila ng nakataas na Alert Level 2 sa lugar.

Sa televised public briefing nitong Lunes, Pebrero 20, sinabi ni Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) spokesperson Eric Apolonio na hindi pwedeng basta-basta lang makapunta sa loob ng permanent danger zone (PDZ) ng bulkan ang search and rescue team.

“So far, ngayon, ang pagkakaalam ko nakahingi na po ng permit sa PHIVOLCS kasi PDZ po yung site, so hindi basta makakapasok yung ating rescue team. But since nabigyan na po, magtutuloy na tayo sa pagpapanik,” ani Apolonio.

Sa kabila nito, pahirapan pa rin ang pag-akyat sa bulkan dahil sa posibilidad ng malakas na ulan at pagbaha dahil sa masamang panahon.

Ayon kay Apolonio, kailangan din na umakyat ng mga imbestigador pinaniniwalaang crash site, at hindi lamang sa pamamagitan ng aerial inspection, upang kumpirmahin kung ang debris ba na nakita ay talagang mula sa nawawalang eroplano.

Tututukan umano ng search and rescue operations para sa nawawalang Cessna plane ang bisinidad ng Mayon ayon kay Camalig, Albay Mayor Carlos Irwin Baldo Jr.

Matatandaan na noong Sabado, Pebrero 18 ay napaulat na nawala ang isang Cessna 340 airplane na may sakay na apat katao kabilang ang piloto, crew at dalawang pasahero makalipas na lumipad mula sa Bicol International Airport.

Ayon sa CAAP, ang Cessna 340 (Caravan) aircraft na may registry number RP-C2080 ay umalis sa Bicol International Airport ng 6:43 ng umaga.

Nawalan ng contact ang air traffic controllers bandang 6:46 ng umaga pagkadaan nito sa Camalig Bypass Road sa taas na 2,600 feet. RNT/JGC