Rescuer patay sa pagliligtas

Rescuer patay sa pagliligtas

December 26, 2022 @ 3:23 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Nasawi ang isang rescuer matapos na magligtas ng dalawang bisita ng isang resort sa Barangay Estaca, Compostela, Cebu matapos na makaranas ng malalaking alon.

Ayon sa ulat, nakita ng rescuer na si Judah Villacarillo ang dalawang bisitang nakainom na nahihirapan sa paglangoy, araw ng Pasko, Disyembre 25.

Dahil dito ay sinubukang iligtas ni Villacarillo ang dalawa at agad na nadala ang mga ito sa baybayin, ngunit kalaunan ay mismong ang rescuer na ang nawala nang tangayin ng malakas na alon.

Ayon kay Compostela police chief Lt. Andrew Rellanos, matapos ang pitong oras ng paghahanap dito ay nakitang wala nang buhay si Villacarillo, 100 metro ang layo mula sa kung saan siya nawala.

Inihayag naman ng lokal na pamahalaan at ng resort na pinagtatrabahuhan nito na parangalan ang kabayanihan ni Villacarillo. RNT/JGC