Research ng Ateneo at La Salle tungkol sa war on drugs, kulang sa pag-aaral – Sec. Roque

Research ng Ateneo at La Salle tungkol sa war on drugs, kulang sa pag-aaral – Sec. Roque

June 26, 2018 @ 8:03 PM 4 years ago


 

Manila, Philippines – May nakitang malaking problema ang Malakanyang sa inilabas na research ng Ateneo at La Salle na sinasabing karamihan daw sa mga namatay sa drug war ng pamahalaan ay pawang mga mahihirap at mga walang trabaho.

Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque, hindi niya kinukuwestiyon ang ulat ng dalawang unibersidad subalit dapat ay inalam aniya muna ng mga ito kung talaga bang napatay dahil sa war on drugs ang sinasabi nilang mga mahihirap.

Ani Sec. Roque, ito ang napansin niyang kakulangan sa pag-aaral na isinagawa at isinapubliko ng Ateneo at La Salle.

Tila hindi rin aniya inimbestigahan isa-isa ng mga dalubhasa ang mga kaso ng pagpatay sa mga mahihirap at sa halip ay basta na lamang aniya nila ito tinanggap.

Dapat aniya ay mas pinag-ibayo pa ng mga eksperto ng dalawang unibersidad  ang kanilang  pagsasaliksik upang malaman kung may kaugnayan ba talaga sa anti-illegal drug campaign ng pamahalaan ang pagkamatay ng mga sinasabi nilang mahihirap o baka naman aniya ay may iba pang mas malalim na dahilan. (Kris Jose)