Research society, dinepensahan ang Pulse Asia, SWS vs duda sa integridad ng kanilang pre-election surveys

Research society, dinepensahan ang Pulse Asia, SWS vs duda sa integridad ng kanilang pre-election surveys

May 8, 2022 @ 4:27 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Ipinagtanggol ng Marketing and Opinion Research Society of the Philippines (MORES) ang mga research firm na Pulse Asia at Social Weather Stations (SWS), sa gitna ng mga pagduda sa integridad at katumpakan ng kanilang mga pre-election survey.

Sa isang statement, sinabi ng MORES na ang dalawang kumpanya, bilang mga miyembro ng kanilang korporasyon, ay nagpasyang itaguyod ang propesyunal na pamantayan sa paghahatid ng pinakatumpak at kinakatawang mga tugon at pananaw, bilang ebidensya ng kanilang reputasyon at track record.

“MORES supports companies who deliver results with consistency and reliability. Companies such as SWS and Pulse Asia have shown its commitment to use scientific methods to provide public opinion representative of ANY population of interest,” saad nito.

“Surveys nowadays cannot only be good. It has to be excellent,” dagdag pa ng MORES.

Matatandaang ilang grupo kabilang ang ilang presidential candidate, ang kumuwestiyon sa pre-election surveys ng Pulse Asia.

Sa panig ni presidential bet Sen. Panfilo Lacson, tinukoy nito ang zero scores niya sa Visayas at Mindanao sa pinakahuling pre-election survey ng Pulse Asia na isinagawa noong Abril.

“Aside from the constant 2 percent survey results that they’ve been giving me for the past few months, now it is zero scores in both Visayas and Mindanao,” ang bahagi ng pahayag ni Lacson noong Mayo 3.

Naglabas din ng kanyang mga pag-analisa sa February survey ng Pulse Asia si National Statistical Coordination Board Secretary General Dr. Romulo Virola kung saan sinabi nitong “underrepresented” sa survey ang millennial at Generation Z voters at “overrepresented” naman ang mga botante mula sa mas matatandang henerasyon.

Samantala, sa hiwalay na pahayag, itinanggi ng Pulse Asia ang mga akusasyong binayaran sila at nakompromiso ang kanilang trabaho dahil sa diumano’y pagpasok ng mga partisan group.

“Our organization will never submit to any form of material inducement or even intimidation that will make us deviate from or distort accepted social science principles and practice. We have also taken all the necessary safeguards to secure the integrity of our field work against any and all forms of infiltration,” giit ni Pulse Asia president Ronald Holmes.

Matatandaang nanguna si dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa lahat ng isinagawang presidential survey ng Pulse Asia. RNT/ JCM