Resolusyon sa pagdaraos ng joint canvassing inaprubahan ng Kamara

Resolusyon sa pagdaraos ng joint canvassing inaprubahan ng Kamara

May 23, 2022 @ 3:52 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Inaprubahan na ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang House Concurrent Resolution No. 26 para sa idaraos na joint session ng Kongreso simula bukas, May 24.

Sa House Concurrent Resolution  na nilagdaan nina House Speaker Lord Allan Velasco, Majority Leader Ferdinand Martin Romualdez at Minority Leader Joseph Stephen Paduano ay nakasaad na sisimulan ang joint session ng alas 10:00 ng umaga.

Magko-convenve ang joint session ng mga kongresista at Senador para sa canvassing ng boto at pagpoproklama ng mga nanalong presidente at bise presidente sa katatapos na 2022 elections.

Kaninang umaga ay pinagtibay ang kaparehong resolusyon sa sesyon ng Senado.

Bukas din sa pagsisimula ng joint session ay papangalanan din ang mga bubuo sa National Board of Canvassers o NBOC-Congress at ilalatag din ang mga rules para sa canvassing.

Matapos ang pag-convene ng Kongreso ay babalik din sila sa hapon para sa pag-uumpisa na ng canvassing.

Samantala, tiniyak ni Speaker Velasco na magiging mabilis, maayos at transparent ang canvassing at ito ay mapapanood ng publiko sa pamamagitan ng live streaming. Meliza Maluntag