Response team nasa Sri Lanka na sa repat ng mga Pinoy

Response team nasa Sri Lanka na sa repat ng mga Pinoy

June 1, 2022 @ 7:00 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Nagpadala na ang Department of Foreign Affairs (DFA) ng mabilis na response team para tulungan ang mga Filipino na humihingi ng tulong at nais na umuwi na ng Pilipinas mula Sri Lanka.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Foreign Affairs Undersecretary Sarah Lou Arriola mayroong 25 mula sa 492 Filipino na nasa crisis-hit state ang humiling na pauwiin na sila ng Pilipinas, 9 ay mga anak ng mga filipinong kasal sa Sri Lankans.

Ang team mula sa Philippine Embassy sa Bangladesh, na may hawak sa hurisdiksyon ng mga Filipino sa Sri Lanka, ay darating sa nasabing bansa sa darating na Hunyo 2 kasunod ng pagdating ng DFA personnel mula sa home office, sa loob ng linggo pa rin na iyon.

Layon nito na kaagad na magbigay ng tulong, naglaan ang DFA ng USD300 financial assistance kada isang Filipino national na nangangailangan.

“Kung hindi pa rin po maibsan iyong problema, willing po ang DFA na mag-repatriate ng mga kababayan natin, kasi kung tuluy-tuloy po ang economic crisis na iyan — hindi naman natin talaga alam kung hanggang kalian — bukas po ang pamahalaan ng Pilipinas na iuwi na sila rito po,” ani Arriola.

“We stand ready to bring them home,” dagdag na pahayag nito.

Inaasahan naman ni Arriola na ang first batch ng mga repatriates na iaalis ng Sri Lanka ay “this coming weekend or early next week.”

“Basta desidido na po sila, importante lang talaga na decided sila. Then, we will get the first available commercial flight to bring them home considering po iyong sitwasyon nila doon sa Sri Lanka,” ayon kay Arriola. Kris Jose