RESPONSIBILIDAD NG SOCIAL WORKERS, MABIGAT

RESPONSIBILIDAD NG SOCIAL WORKERS, MABIGAT

December 2, 2022 @ 11:07 AM 2 months ago


ITINUTURING na isa sa pinakamahalagang propesyong tumutugon sa nakararaming suliranin ng sambayanan ang nakaatang sa mga social worker kung saan mula sa pangongolekta ng datos mula sa mga apektadong pamilya ng anomang sakuna hanggang sa pag-iimbestiga ng away ng mag-asawa ang ginagampanang papel nila.

Sila rin ang madalas na tumutungo sa mga lugar na binagyo,binaha, nilindol at sinabugan ng bulkan upang alamin ang kalagayan ng mga naapektuhang mamamayang nangangailangan ng agarang tulong ng gobyerno.

Ang mga social worker din ang pinadadala sa mga liblib na lugar na matindi ang giyera sa pagitan ng militar at mga rebeldeng kadalasan ay naiipit sa putukan ang mga residenteng wala namang kinalaman sa hidwaan ng gobyerno at iba’t ibang puwersang layunin lang na maghasik ng karahasan.

Hindi lang ayudang pinansyal at pagkain ang bitbit ng mga social worker kundi kinakalinga rin nila ang mga apektadong indibidwal sa pamamagitan ng pagbibigay sikolohikal na tulong lalo na sa mga mahihirap na kababayang hindi matanggap ang pinagdaraanang krisis.

Karamihan ay mga social worker ang unang rumesponde sa pagyanig sa Abra hanggang sa malawakang pagbaha sa Calabarzon, Bulacan at ilang lalawigan sa Bicol matapos ang hagupit ng mga bagyong sina Karding at Paeng kung saan libo-libong kababayan ang nawalan ng tahanan.

Hindi isinaalang-lang ng mga ito ang kanilang kakarampot na sweldo sa tuwing tumutugon sa anomang kalamidad kung saan ang unang iniisip ay kung paano mabigyan ng agarang ayuda at maibalik sa normal ang buhay ng apektadong mamamayan matapos ang sakuna.

Kaya naman kailangan silipin ng gobyerno ang kalagayan ng mga propesyunal na hindi lang dapat itaas ang kasalukuyan kinikita kundi pondohan ang mga posisyon ng  social workers na sadyang marami pa ang kailangan sa gitna nang nakararaming problemang kinakaharap ng mga pobreng kababayan.

Hindi lang titser,militar at pulis ang marapat na prayoridad ng pamahalaan kaugnay sa pagtaas ng sweldo kundi silang mga social worker na pinapasan ang lahat na suliranin ng sambayanan.

Anomang puna o reaksyon itex sa 09999388537/email [email protected]