Restriksyon sa mga establisimyento sa Cebu City, tinanggal na

Restriksyon sa mga establisimyento sa Cebu City, tinanggal na

February 25, 2022 @ 9:52 AM 4 months ago


MANILA, Philippines – Inanunsyo ni Cebu City Mayor Michael Rama na tinatanggal na nila ang lahat ng COVID-19 restriction sa mga lokal na establisyimento sa lungsod.

Ginawa ni Rama ang anunsyo ukol sa aksyong tinawag niyang “Oplan Kagawasan (Oplan Freedom)” kasabay ng pagdiriwang ng ika-85 Charter Day ng Lungsod nitong Huwebes.

Sa nasabing hakbang, nangangahulugan na ang patakarang ‘no vaccine, no entry’ ay tinatanggal na rin sa syudad.

Nangangahulugan din na ang lahat ng mga establisyimento sa Lungsod ay maaari nang buksan habang ang lahat ng aktibidad na sakop ng mga lugar nito ay papayagan anuman ang vaccination status, o bakuna man o hindi.

Ang mga ipinatutupad na curfew hours ay suspendido na rin, maliban na lang sa paglabas ng mga menor de edad kung saan ikakasa pa rin ang alas-10 ng gabi na curfew hanggang alas-4 ng umaga, ayon sa ordinansa.

Sa kabila naman ng pinaluwag na restriksyon, pinaalala pa rin ni Rama sa mga residente ang mahigpit na pagsunod sa minimum public health standard tulad ng social distancing at apgsuot ng face mask.

Sa kanyang kautusan, binigyang-diin ni Rama na ang Lungsod ay magbibigay ng insentibo at magsusulong pa rin ng vaccination program kahit hindi na kailangan pang humingi ng vaccination card sa pagpasok ng mga customer ang mga establisimyento.

Wala namang partikular na binanggit sa pinapayagang kapasidad sa mga establisyimento hangga’t sa napanatili nila ang social distancing, dagdag pa ng alkalde.

Sa kabilang banda, sinabi ng lalawigan ng Cebu na papayagan na ang 100 porsyentong kapasidad para sa mga pampublikong sasakyan. RNT