Resulta ng Baliwag plebiscite, malalaman ngayong Sabado ng gabi – Comelec

Resulta ng Baliwag plebiscite, malalaman ngayong Sabado ng gabi – Comelec

December 17, 2022 @ 3:00 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Sinabi ni Committee on Elections (Comelec) Chair George Garcia na ang resulta ng plebisito na magdedetermina kung magiging component city ang Baliwag ay ipalalabas ngayong Sabado ng gabi.

May kabuuang 108,572 registered voters mula sa 27 barangay ang inaasahang boboto hanggang alas-3 ng hapon ngayong Sabado.

Nagbukas ang 200 clustered precincts sa 26 voting centers sa bayan kaninang alas-7 ng umaga.

“By 10:30 to 11:00 in the evening, we will be able to find out what the people of Baliwag want,” ayon kay Garcia.

Sabi pa ng poll chief, inaasahan nila ang hindi bababa sa 60 hanggang 65 porsyentong voter turnout.

Ikinasa ang plebisito matapos ang ratipikasyon ng Republic Act 11929, na magko-convert sa municipality ng Baliwag sa lalawigan ng Bulacan sa component city.

Kapag naratipikahan, ang Baliwag ay magiging ika-apat na component city sa Bulacan– kabilang ang Meycauayan, San Jose del Monte at ang provincial capital na Malolos. RNT/SA