Resulta ni Padilla sa voluntary drug test, negatibo

Resulta ni Padilla sa voluntary drug test, negatibo

October 5, 2022 @ 2:17 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Kumasa sa voluntary drug test si Senator Robinhood Padilla nitong Miyerkules, Oktubre 5 at negatibo ang naging resulta nito.

Ayon kay Padilla na personal na nagtungo sa Philippine Drug Enforcement Agency Headquarters sa Quezon City, ang voluntary drug test niya ay tugon sa panawagan ni Surigao del Norte Second District Rep. Ace Barbers na dapat ay magpasa ng drug test ang mga aktor bago sila magsimula sa proyekto.

Matatandaan na si Padilla ay kilala bilang “Bad Boy ng Philippine Cinema.”

“Tayo ay nakikiisa sa layuning maprotektahan ang ating mga kababayan sa kapahamakan ng iligal na droga. Kasama na rito ang mga kapwa kong artista,” ani Padilla.

“Ngunit hindi maaaring obligahin ang sinuman na magpa-drug test, dahil maaaring labag ito sa kanilang karapatang pantao,” dagdag ng Senador.

Iginiit rin ni Padilla na sa halip na mga aktor, ang mga opisyal ng pamahalaan ay dapat na sumailalim sa drug testing.

Sinuportahan naman ito ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na dating hepe ng Philippine National Police na nanguna sa war on drugs ng Duterte administration.

“Nothing is preventing the state from performing its mandate to make sure na drug-free ang ating bansa. Trabaho ng estado yan. Pero tama din yung idea na hayaan ang industriya to police their own ranks,” ani Dela Rosa.

“Unahin natin yung sector ng mga pulitiko. Kaming mga pulitiko dapat mandatory bago mag file, dapat bago tanggapin ng Comelec yung certificate of candidacy kasama na dun yung drug test para sigurado tayo na kung sinoman yung uupo na pulitiko, sigurado tayo na hindi siya gumagamit ng ipinagbabawal na droga,” dagdag pa niya. RNT/JGC