Retiradong dayuhan sa Pinas babantayan ng DOLE, PRetA

Retiradong dayuhan sa Pinas babantayan ng DOLE, PRetA

December 12, 2021 @ 12:48 PM 10 months ago


MANILA, Philippines- Pinalalakas ng gobyerno ang pagsubaybay sa mga aktibidad sa ekonomiya ng mga dayuhan, kabilang ang mga retirees, habang patuloy na pinapayagan ng bansa ang pagpasok ng mga dayuhang manggagawa kahit na sa harap ng pandemya.

Kasunod ito ng paglagda ng memorandum of agreement sa pagitan ng Department of Labor and Employment (DOLE) at ang Philippine Retirement Authority (PRetA) na nagpapahintulot  sa libreng pagpapalitan ng foreign national data sa pagitan ng dalawang ahensya sa DOLE Central Office.

“This data-sharing agreement will facilitate the exchange of information between DOLE and PRetA for better coordination, rendering of services, and monitoring of foreign nationals within our purview,” ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III na binibigyang-diin ang pinagsamang layunin ng dalawang ahensya na subaybayan ang mga aktibidad sa ekonomiya ng mga dayuhang mamamayan sa bansa.

Sa ilalim ng kasunduan, maaari na ngayong i-verify ng PRetA ang employment information ng kanilang  Special Resident Retiree’s Visa (SRRV) o mga dayuhang mamamayan na piniling magretiro sa Pilipinas, sa pamamagitan ng Alien Employment Permit (AEP) database ng DOLE.

Ang labor department ay naglabas  ng AEP para pahintulutan ang isang dayuhan na magtrabaho sa Pilipinas.

‘The pressing challenges of the pandemic impel us to forge solidarity and cooperation in promoting and monitoring the employment activities of foreign nationals in our country,” sinabi naman ni  PRetA General Manager and Chief Executive Officer Bienvenido K. Chy.

Ayon sa MOA, ang pagpapalitan ng impormasyon/data ng trabaho ay gagawin kada quarter sa pamamagitan ng electronic mail o iba pang paraan ng paghahatid ng data na napagkasunduan ng magkabilang panig.

Dumalo rin sa signing event sina DOLE Undersecretary Renato Ebarle, Assistant Secretary Dominique Tutay, at PRetA Management Services Department Manager Atty. Antonio V. Rivera. Jocelyn Tabangcura-Domenden