Retired principal, 3 apo patay sa sunog

Retired principal, 3 apo patay sa sunog

September 26, 2022 @ 5:25 PM 2 months ago


LANAO DEL NORTE- Natusta ng buhay ang apat na miyembro ng pamilya kabilang ang retired school principal at tatlo nitong apo matapos tupukin ng apoy ang kanilang bahay Sabado, Setyembre 24 sa Tubod, Lanao del Norte.

Kinilala ang mga nasawi na sina Charita Cabus, 71 anyos; retired principal ng Tubod Central Elementary School, mga apong sina Roy JR, 20 anyos; Raisa Christine Rona Cabus, 22 anyos at Psyche, 11-buwan pawang mga residente ng Purok 1,Brgy Tangueguiron, Tubod, Lanao del Norte.

Batay sa report ng Tubod Police Station at Bureau of Fire Protection, nagawa pang makasigaw ng tulong ang mag-amang Roy at Cheska subalit bigo na rin silang makalabas ng bahay dahil sa laki ng apoy.

Sa pagresponde ng mga awtoridad sa lugar ng pinangyarihan ng insidente naabutan na halos uling na ang buong kabahayan at mga sunog na bangkay ng mga biktima.

Tinataya naman aabot sa P500,000 halaga ng mga ari-arian ang nasunog.

Inaalam na ng mga awtoridad ang tunay na sanhi ng sunog o kung may naganap na foul play sa nasabing pangyayari. Mary Anne Sapico