Reunion ng lahat ng screenwriting workshoppers ni Ricky Lee, itinakda; Cherie Gil, Iza Calzado atbp., imbitado

Reunion ng lahat ng screenwriting workshoppers ni Ricky Lee, itinakda; Cherie Gil, Iza Calzado atbp., imbitado

August 3, 2020 @ 4:04 PM 2 months ago

  •  
  •  
  •  

Manila, Philippines—Ano pa kayang mas matinding pagsaludo sa kahenyuhan at kontribusyon sa lokal na industrya ng pelikula ng premyadong mandudulang pampelikula na si Ricardo Lee, mas kilala sa tawag na Ricky Lee kundi isang pagtitipun-tipon ng lahat ng mga naging estudyante niya sa scriptwriting class nito mula 1982 hanggang 2020 sa isang reunion kahit na sa online lamang nang dahil sa perwisyong dulot ng pandemya ng COVID-19?

Hindi nag-atubili ang pamunuan ng Cinemalaya Philippine Independent Film Festival sa pangunguna ng Festival Director na si Chris Millado na siya ring Bise-Presidente ng Sentrong Pangkultura ng Pilipinas at Artistic Director ng institusyong ito ng estado sa sining at kultura na bigyang parangal si Ricky sa pamamagitan ng virtual reunion ng lahat ng sumailalim sa pagtuturo at pagkadalubhasa ni Lee.

“This is our way of acknowledging Ricky Lee’s contributions to filmmaking in general, and to Cinemalaya festival in particular, through the years,” pahayag ni Chris.

Hindi lang mga manunulat ang dumaan sa malikhaing kamay at utak ni Ricky sa pagsusulat ang bahagi ng humigit-kumulang sa apat na dekadang edukasyon niya gaano man kaimpormal sa mga may pangarap maging scriptwriter.

Noon man, kahit sina Bea Alonzo, Agot Isidro, John Lapus, Chynna Ortaleza, Kean Cipriano, Cherie Gil, Meryll Soriano at Xian Lim kahit bihasa na sa sining ng pag-arte ay nag-aral din kay Lee ng pagsusulat para sa puting tabing.

Ayon sa tumatayong sekretaryo ni Ricky na si Ramil Banal (isa ding nagtapos ng kurso ni Lee), babalikan ng reunion ang mga batch at mga likhang-sining ng bawat isa sa kanila.

“Hindi po ito self-serving. Tatalakayin din po ang mga isyu na may kaugnayan sa bawat henerasyon ng mga workshoppers para sa wastong pagharap sa mga hamon ng kasalukuyang panahon sa mga alagad ng sining lalo na ng mga manunulat,” pahayag ni Ramil.

Napakaraming malalaking pangalan na sa pelikula ang bahagi ng Ricky Lee Free Scriptwriting Workshop na umusad mula sa pagiging iskriptrayter hanggang direktor at prodyuser kabilang sina Jeffrey Jeturian, Armando “Bing” Lao, Brillante Ma. Mendoza, Mac Alejandre, Lav Diaz, Jerry Lopez Sineneng, Michael Tuviera, Dwein Baltazar, Giancarlo Abrahan, Sari Dalena, Babyruth Villarama, Emman Dela Cruz, Rahyan Carlos, Paolo Villaluna, Jun Lana, Dan Villegas, Richard Reynante, Antoinette Jadaone, Leo Abaya, Bianca Balbuena (prodyuser) at iba pa.

Mapalad kami dahil bahagi ang inyong lingkod ng kauna-unahang palihan noong 1982 kasama sina Jeffrey, Armando, Leo, Boots Agbayani-Pastor, Buddy Palad, Loretta Medina, Phillip Garcia, Jr., Eric Reyes, Emmie G. Velarde, Jose “Peping” Almojuela, Nonoy Labayen at ang mga namayapa nang premyadong manunulat na sina Lynda Casimiro at Vincent Benjamin Kua, Jr. Pagkatapos noon ay sumunod na ang mga haligi na rin ng pelikulang Pilipino.

Kaya nga imbitado sina Bea Alonzo, Iza, Xian, Agot bukod pa sa mga aktibo at naririto pa sa ating piling na produkto ni Ricky na makiisa sa August 8, 2020 sa ganap na ala una hanggang alas kuwatro ng hapon. Upang makasama sa historikal na piging na ito, mangyaring sumangguni sa Cinemalaya Facebook na mga pahina.

Magkakaroon din si Lee ng Master Classes sa online tungkol sa pagsulat ng dulang pampelikula na pinamagatang “Mga Tao at mga Tauhan” sa August 9 at 15, mga araw ng Linggo.

Sa halagang P300 sa Zoom workshop ay madudukal at masisipat ang kamalayan ni Ricky sa paglinang sa sining ng scriptwriting. Boy Villasanta


  •  
  •  
  •  

Loading...