Reunion Swim Challenge tuloy – COPA

Reunion Swim Challenge tuloy – COPA

August 16, 2022 @ 2:39 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Tuloy ang programa ng Congress of Philippine Aquatics, Inc. (COPA) sa pagdaraos ng mga aktibidad na sisimulan sa gaganaping  2nd leg ng Reunion Swim Challenge sa Agosto 27-28 sa Teofilo Ildefonso Swimming Pool sa loob ng makasaysayang Rizal Memorial Sports Complex sa Malate, Manila.

Sinabi ni Batangas Congressman Eric Buhain na ang torneo  ay bukas sa lahat ng Filipino, teams o clubs anuman ang kinaaanibang asosasyon bilang pagpapatibay sa nasimulang misyon na mapagkaisa ang lahat sa iisang adhikain sa swimming community.

“Regardless of your affiliation COPA welcomes everybody with an open arms. Isa lang naman ang interest natin at gusto nating  mangyari ito’y ang yumabong ang swimming. We have to train the trainers and the development and improvement of our swimmers followed,” pahayag ni swimming icon at bagong halal na Congressman ng unang Distrito ng Batangas..

“After more than two years of inaction due to pandemic, finally our young swimmers can now go back to the pool, enjoy the action once again and resumed the clubs grassroots sports development program. Importante, malaman na ng mga swimmers na balik na at puwede na ang kompetisyon,” aniya.

Ang swimming Olympian at dating SEA Games record holder ay kabilang sa bumuo ng COPA kasama sina Chito Rivera, Darren Evangelista, Joel Esquivel at Richard Luna noong 2020. Ngayon, ang grupo ay may mahigit sa 200 teams/clubs sa 11 clusters na binubuo ng 17 rehiyon sa bansa. Mayroon itong kabuuang 300 miyembrong coach at 3,500 sanctioned swimmers.

Bukod sa Reunion Swim Challenge, ang COPA ay magsasagawa rin ng 1st Novice Swim Championship na nakatakda sa Setyembre 17-18; ang Reunion 3rd leg sa  Oktubre 1-2; ang Reunion Swim Challenge Championship sa Oktubre 22-23; Sprint meet na may pagpapakilala sa SKINS Swim event (Nob. 12-13); at Short Course Yuletide Swimming Championship (Dis. 10-11).

Sinabi ni COPA National Training Director at Olympian (1972 Munich) Carlos ‘Pinky’ Brosas na nakalinya rin isagawa ang coaching seminar sa Enero sa susunod na taon sa limang lokasyon – Northern Luzon, NCR, Southern Luzon, Visayas at Mindanao – na pangungunahan ng bantog na Australian coach na si Wayne Goldsmith bilang tagapagsalita.

Nagpaplano rin ang COPA ng pakikipagtulungan sa mga local government units (LGUs) at Department of Education (DepEd) para maisama sa aktibidad ng mga  mag-aaral sa Pampublikong paaralan ang sports sa pamamagitan ng ‘Train the Trainers Program’ para sa mga guro.

“Mayroong 27 milyong mag-aaral sa pampublikong paaralan sa bansa. May mga pasilidad naman ang ating mga LGUs, napakalaki ng ating komunidad na sumusunod ng talento. Libre ang training, libre and competition, gagawin natin ang lahat para masiguro na makakalikha tayo ng world-class and many more swimming Olympians,” ani Buhain.JC