Revamp sa Caritas ‘di dahil sa korapsyon

Revamp sa Caritas ‘di dahil sa korapsyon

November 25, 2022 @ 9:09 AM 1 week ago


MANILA, Philippines – Suportado  ng Caritas Philippines, ang humanitarian, development at advocacy arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang kautusang inilabas ni Pope Francis na muling ayusin ang Caritas Internationalis (CI).

Sinabi ni Bishop Jose Colin Bagaforo,Presidente ng Caritas Philippines na ang desisyon na muling ayusin ay hindi ukol sa korapsyon o hindi maayos na pamamahala ng pondo.

“The decree was unexpected and a big surprise but we welcome the decision of the Holy Father with the hope that Caritas would truly be faithful to its identity and mandate. We believe it is for the good of Caritas and its people. But we would like to reiterate that the reorganization is not due to corruption or mismanagement of funds,” sabi ng Obispo sa isang pahayag.

Itinalaga ni Pope Francis si Pier Francesco Pinelli bilang pansamantalang administrator ng Caritas Internationalis.

Siya rin ay kilalang organizational consultant at  administrator.

Ayon naman kay Fr. Tony Labiao, executive secretary ng Caritas Philippines, konektado sa general assembly sa susunod na taon ang naging desisyon ng Santo Papa.

Gagawin ang susunod na regular in-person general assembly sa May 2023 kung saan bilang paghahanda, ang tagapangasiwa  ay sinusuportahan ni  Luis Antonio Cardinal Tagle, na siyang makikipag-ugnayan sa mga lokal na simbahan at sa mga miyembrong organisasyon ng CI.

Kinakatawan ng Caritas Philippines ang bansa sa CI, isang confederation ng 162 Catholic relief, development, at social service organization na nag-o-operate  sa mahigit 200 bansa at teritoryo sa buong mundo.

Misyon ng mga miyembrong  organisasyon ay matulongan na bumuo ng  isang mas mahusay na mundo, lalo na para sa mga mahihirap at inaapi. Jocelyn Tabangcura-Domenden