REVENGE TRAVEL

REVENGE TRAVEL

February 22, 2023 @ 9:32 AM 1 month ago


DALAWANG taon matapos na magkaroon ng restriksyon sa pagbiyahe at mga pagtitipon dulot ng coronavirus disease 2019 pandemic, nakapamasyal ka na ba kasama ng pamilya o mga kaibigan?

Talakayin natin itong tinatawag na “revenge travel” na bukambibig ng mga panay ang pasyal at biyahe matapos ang pagbaba ng mga kasong naitatala.

Ang revenge travel ay ang pagbawi ng mga biyahero at biyahera sa mga nawalang oras sa pamamasyal na para bang naghihiganti.

Mula sa negative 63.4% na tourism direct gross value added noong taong 2020, umakyat sa positive 9.2% ang local tourism ng bansa nitong 2021.

Hindi maikakaila ang malaking bahagi ng turismo sa gross domestic product ng bansa na bago tumama ang pandemya ay nasa 12.7% at nakapagbigay ng 5.71    million na trabaho.

Kinikilala ng Marcos administration ang malaking potensyal ng turismo, kaya naman, nasa P6.4 billion ang ilalaan ng Department of    Tourism sa promotional campaign.

Nito kasing 2022, umabot sa 2.65 million international tourists ang dumating sa bansa at nakapagpasok ng halagang 3.68 billion US dollars o katumbas ng P208 billion pesos. Target ng DOT na umabot sa 4.3 million ang dumating na bisita sa bansa ngayong taon.

Sa pagtatanong na isinagawa ng Statistica survey, nangunguna ang Boracay at ang Baguio City bilang top destination for revenge travel sa bansa ngayong taon, at kabilang din ang Cebu, Ba-labac, Coron at El Nido sa Palawan, Siargao, La Union, at Manila.

Pasok din sa listahan ang Danjugan island sa Negros Occidental, Gigantes island sa Iloilo, mga lalawigan ng Biliran, Samar at Eastern Samar ng Eastern Visayas, Davao group of provinces na binubuo ng Davao City, Davao de Oro, Davao del Norte at Davao del Sur, at Bukidnon.

Ang madalas puntahan ng inyong lingkod ay ang Tagaytay City, malamig ang klima at ilan oras lamang ang biyahe. Maaaring balikan para sa mga nagtitipid.

Kaya kung mayroon namang ipon, makiuso na sa revenge travel at makatulong sa mabilis na pagbangon ng turismo ng ating bansa.