Revilla dismayado sa bumigay na tulay, ‘Regular inspection sana’

Revilla dismayado sa bumigay na tulay, ‘Regular inspection sana’

October 21, 2022 @ 3:49 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Dismayado si Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. sa pagbagsak ng bahagi ng isang tulay sa Bayambang, Pangasinan.

Ani Revilla nitong Biyernes, Oktubre 21, napigilan sana ito kung nagsasagawa ng regular na structural integrity inspection ang Department of Public Works and Highways.

“Nakakadismaya ang pagbagsak ng Romulo Bridge sa Pangasinan. Nakakalungkot din ang hindi bababa sa apat nating kababayan ang nasugatan, at mas marami pa ang naapektuhan dahil sa insidenteng ito,” sinabi ni Revilla na tumatayo ring Senate public works committee chairman.

“Maaari naman sanang naiwasan ito kung ginawa lang ng DPWH ang kanilang trabaho na siguruhing laging nasa mabuting kondisyon at tibay ang mga imprastruktura para sa kaligtasan ng publiko,” dagdag niya.

Matatandaan na kahapon ay bumigay ang isang bahagi ng Carlos P. Romulo Bridge sa Barangay Wawa, Bayambang at nadamay ang dalawang truck na nataong dumadaan sa lugar.

Dahil dito ay hinimok ni Revilla ang DPWH na maging aktibo sa pagsasagawa ng inspeksyon sa mga imprastruktura upang masiguro ang tatag ng mga ito.

“Hindi dapat na hinihintay pa ang lindol, bagyo, o iba pang sakuna bago pa kumilos para suriin ang tibay at kondisyon ng mga tulay, daan, at iba pang imprastrakturang ginagamit ng taumbayan,” pagdidiin niya.

“Failure to conduct timely inspection and retrofitting of public infrastructure puts the safety and lives of our countrymen at risk,” dagdag pa ng Senador.

Kasunod nito, ibinahagi rin ni Revilla ang viral video na tila bibigay na rin anumang oras ang isang bahagi ng flyover sa 32nd street ng Bonifacio Global City patungong C5 road.

“Labis na nakakabahala. Nananawagan din tayong mabilisang maisaayos ang mga ito upang hindi mapilay ang transportasyon sa mga lugar na yan. Immediate repair and restoration should be done to avoid impeding the transport of persons, as well as the flow of goods and services,” paghimok ni Revilla. RNT/JGC