Revilla pinalagan sa planong pagbababa sa senior citizen sa edad 56

Revilla pinalagan sa planong pagbababa sa senior citizen sa edad 56

December 9, 2022 @ 4:45 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Pinalagan ng dalawang senador ang plano ni Senador Ramon Revilla Jr., na ibaba sa 56 anyos ang edad na ituturing na senior citizens dahil malaki ang epekto nito sa kita ng pamahalaan at sektor ng paggawa.

Sa magkakahiwalay na pahayag, sinabi ni Senador Nancy Binay at Jinggoy Estrada na dapat pag-aaralan nang mahusay ang panukala dahil maraming sektor ang maapektuhan kapag binago ang edad na itinuturing na senior citizens.

Ayon kay Binay dapat magkaroon ng masusing pag-aaral partikular sa implikasyon nito sa interes ng pamahalaan at puwersang paggawa ng bansa.

“Dapat nating balansehin,” ayon kay Binay.

Para naman kay Estrada, dapat silipin muna ang pondong gagamitin sa panukala bago magkaroon ng malalim na talakayan dito.

“Resources-wise, dun tayo medyo magkakatalo dahil we do not have the resources to augment,” ayon kay Estrada.

Ikinatuwiran naman ni Revilla na gusto nitong ibaba ang edad ng senior citizen upang dumami ang Filipino na makakaranas na benepisyo nang mas matagal.

Aniya, hindi naman mandatory ang pagreretiro sa edad na 56.

“At least e maa-avail na lang nila ang discount. Siyempre ang titingnan na lang yung sa negosyo,” ayon kay Revilla. Ernie Reyes