Rice tariffication, pinagtanggol ni Sec. Piñol sa budget deliberation

Rice tariffication, pinagtanggol ni Sec. Piñol sa budget deliberation

August 2, 2018 @ 2:32 PM 5 years ago


 

Manila, Philippines – Ipinagtanggol ni Agriculture Secretary Manny Piñol ang isinusulong na Rice Tariffication Act ng administrasyong Duterte sa gitna ng isinasagawang paghimay ng House Committee on Appropriations sa P49.8 bilyong badyet ng Department of Agriculture (DA) sa 2019.

Naniniwala si Piñol na aaabot sa P20 bilyon ang maaaring kitain ng gobyerno mula sa rice tariffication.

Binigyang diin ng kalihim na ang kikitain ng DA sa aktibidad na ito ay maaaring gamitin ng mga magsasaka upang makabili ng mga magagandang binhi na magbubunsod ng pagdoble ng kita ng mga ito.

Sa ngayon aniya ay nakakadagdag sa hina ng ani ang hindi magagandang binhi ng bigas ngunit kung kikitain aniya sa rice tariffication ay maaaring makadagdag ito sa kita upang ipambili ng magandang binhi na siguradong tatangkilikin ng mga mamimili.

Sa oras aniyang maipatupad ito ay tatanggalin ang mga limit sa rice imports subalit papatawan naman ito ng taripa.

Ngunit ikinadismaya naman ni BUTIL Partylist Rep. Cecilia Chavez ang pagbabago sa polisiya ng DA kung saan ang subsidiya ng gobyerno sa mga magsasaka ay ginawang pautang ng ahensya sa mga local farmers.

Ngunit sinalag ito ni Piñol sa pagsasabing hindi kayang isubsidiya ng gobyerno ang lahat ng mga pangangailangan ng magsasaka at makabubuting bigyan ng pautang ang mga magsasakia sa mababang interest lamang upang ipambili ng binhi, pataba at anumang kailangan sa bukid. (Meliza Maluntag)