Rider na may maiingay na ‘muffler’ sinampulan

Rider na may maiingay na ‘muffler’ sinampulan

October 12, 2022 @ 12:24 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nasampolan ang ilang mga pasaway na rider matapos tikitan dahil sa kanilang ‘muffler’ o exhaust pipe na nagdudulot na ingay sa ikinasang operasyon ng Manila Police District -Raxabago Police Station (MPD-PS1).

Pinangunahan ang operasyon ni P/Lt Joseph Villafranca kasama ang ilang mga tauhan ng Manila Traffic and Parking Bureau o MTPB.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Rosalino Ibay Jr., Station Commander, tinitikitan at sinisita na ang mga sasakyan partikular ang mga motorsiklo na may improvised muffler sa kanyang nasasakupan.

“Matagal nang ordinansa ng local government Unit (LGU) ‘yan, na ang maiingay na tambutso ay bawal lalo na sa hatinggabi kung kailan nasa kahimbingan na ng tulog ang mga tao,” sabi ni Ibay.

Sa unang pagkakataon, sinabi ni Ibay na titikitan lamang ang mga lumabag ngunit nagbabala ito na maaring makumpiska at dalhin sa impounding area kung magpapatuloy pa rin sila sa paggamit ng maiingay na muffler.

Siniguro pa ni Ibay na paiiralin pa rin ang One Time Big Time Operation (OTBT) alinsunod sa pagpapatupad ng City Ordinance no. 8772 “Regulating the use of Modified Muffler/Exhaust Pipe. Jocelyn Tabangcura-Domenden