Rider na nagsilid ng bata sa delivery box, kakastiguhin ng LTO

Rider na nagsilid ng bata sa delivery box, kakastiguhin ng LTO

March 2, 2023 @ 7:40 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Nakatakdang padalhan ng show cause order ng Land Transportation Office (LTO) ang Lalamove rider na nag-viral matapos na makunan ng video na may sakay na bata sa loob ng delivery box habang umaandar ang  motorsiklo.

“Immediately mag-iissue tayo ng show cause order po doon sa rider, sa may-ari ng motor,” pahayag ni Renan Militante, LTO Intelligence and Investigation Division officer-in-charge.

Tinitingnan din ng LTO kung may nilabag na batas ang rider kabilang ang Republic Act No. 1066 o Children’s Safety on Motorcycles Act of 2015.

“Kung titingnan po natin, wala po siya sa tamang spesipikasyon ng pag-onboard ng isang bata, na dapat po ‘yung feet ng bata ay nasa foot peg ng isang motorcycle. Pangalawa, naka-helmet po dapat ang bata at pangatlo po, dapat nakayakap ‘yung bata sa nagmamaneho ng motorsiklo,” dagdag pa ng opisyal.

S cellphone video na ini-upload ni Jeric Cruz at kuha noong February 24, makikita ang kamay ng isang bata na itinaas ang takip ng delivery box ng motorsiklo.

Nag-viral ang video footage, ngunit tinanggal ito ni Cruz sa kanyang social media account kasunod ng kahilingan ng rider sa video.

Ayon kay Cruz, ipinost niya ang video para isulong ang child safety, at idinagdag na delikado ang sitwasyon dahil insulated ang bag at walang bracket para maiwasan itong mahulog. Jan Sinocruz