Rider nalubak, nagulongan ng trailer truck sa Maynila

Rider nalubak, nagulongan ng trailer truck sa Maynila

September 19, 2022 @ 4:52 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Patay ang isang 29 anyos na rider matapos pumailalim at magulongan ng 18-wheeler truck nang malubak ang kanyang motorsiklo, Lunes ng madaling araw sa Roxas Blvd., sa Maynila.

Sa kwento ng driver ng truck na si James Bautista, binabagtas nito ang southbound lane ng Roxas Blvd alas-dos ng madaling araw nang mangyari ang insidente.

Karga ng truck ang mga wall panel na ihahatid sana nila sa Macapagal Blvd sa Pasay.

Aniya, hinabol na lamang siya ng ibang motorista at sinabi na mayroon siyang nagulongan matapos malubak sa kalsada.

“Bigla na lamang siyang natumba sa motor niya at pagkatumba po niya papunta po siya sa gulong namin- ng trailer, eh hindi naman po namin napansin”, paliwanag pa ni Bautista.

Ikinalungkot naman daw niya ang nangyari pero giit niya aksidente ang nangyari.

Hawak na ng Manila Traffic Enforcement Unit si Bautista habang patuloy ang imbestigasyon sa insidente. Jocelyn Tabangcura-Domenden