Rider, pasahero nabagsakan ng poste

Rider, pasahero nabagsakan ng poste

March 17, 2023 @ 5:05 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Sugatan ang isang motorcycle rider at ang kanyang pasahero matapos bumagsak ang dalawang magkatabing poste ng kuryente sa kanto ng Estrella at Leono Streets, Barangay Tanong, Malabon City nitong Biyernes, Marso 17.

Sinabi ng Malabon City Disaster Risk and Reduction Management Office (DRRMO) na si Jairo Bonus, 30, isang Angkas driver, ay nagtamo ng minor injuries sa paa at dinala sa Tondo Medical Center.

Nagtamo naman ng spinal injury ang kanyang pasahero na si Beverly Medalla, 43, at isinugod sa Chinese General Hospital and Medical Center.

Ayon sa Malabon DRRMO, biglang bumagsak ang mga poste sa mga biktima dakong alas-3 ng madaling araw.

Sinabi ni Malabon DRRMO Head Roderick Tongol na dumating ang mga line worker mula sa electric utility bandang alas-8 ng umaga sa lugar upang linisin ang mga cable wire at tanggalin ang mga poste sa kalsada.

Ang dalawang poste ay napaulat na masyadong luma na, na naging sanhi ng kanilang pagbagsak.

Dalawang balde ng fish products sa isang fish shop ang nasira rin sa insidente.

Samantala, nawalan ng kuryente at internet connection ang ilang residente sa lugar. Merly Iral