Rider sinipa ng baka, pisak pa sa truck

Rider sinipa ng baka, pisak pa sa truck

May 25, 2022 @ 1:19 PM 1 month ago


BAUANG, La Union- Patay ang isang rider matapos sipain ng baka at tumalsik sa ilalim ng trailer truck habang binabaybay ang national highway Linggo sa bayang ito.

Kinilala ang biktimang si Christopher Calica, 51, residente ng Barangay Natividad, Naguilian, La Union.

Sumuko naman sa pulisya ang driver ng trailer truck na kinilalang si Marvin Cadaoas, 32-anyos, ng Barangay Raniag, Ramon, Isabela .

Batay sa report ng Bauang Police Station, dakong 4:40 PM naganap ang insidente sa kahabaan ng national highway sa Barangay Baccuit Sur, Bauang, La Union .

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, minamaneho ng biktima ang kanyang motorsiklo at binabaybay ang naturang lugar na nasa outer lane ng kalsada habang ang trailer truck naman na minamaneho ni Cadaoas ay nasa inner lane.

Naglalakad naman ang dalawang lalaki hila ang dalawang baka na nasa outer lane sa parehong direksyon ni Calica.

Bigla na lamang lumundag ang baka at sinipa ang biktima at sa lakas ng pagkakasipa lumipad ang biktima at bumagsak sa ilalim ng trailer truck dahilan para masagasaan ito.

Isinugod naman sa ospital ang biktima subalit habang nilalapatan ng lunas at nalagutan rin ng hininga sanhi ng matinding pinsalang tinamo sa ulo at iba pang parte ng katawan.

Ayon kay Pol. Cpl. Rey Ofiaza ng Bauang Police Station, may pananagutan pa rin ang may-ari ng baka sa nasabing insidente habang si Cadaoas ay nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide. Mary Anne Sapico