Rider syut sa kanal, nalunod-patay!

Rider syut sa kanal, nalunod-patay!

August 12, 2022 @ 12:22 PM 2 months ago


ILOCOS SUR-Patay ang isang 36-anyos na lalaki matapos na mahulog sa kanal ang minamaneho nitong motorsiklo sa Brgy. Baliw Daya, Sta. Maria ng lalawigang ito.

Kinilala ng Sta. Maria Municipal Police Station ang biktima na si Joey Doles y Dagdag, may asawa, residente ng Brgy. Maynganay Norte ng naturang bayan.

Bago ang insidente, ang biktima ay dumalo sa isang okasyon sa bahay ng kanyang tiyahin sa Brgy. Poblacion Norte noong Huwebes (Agosto 10) ng gabi at nagkaroon ng inuman.

Pagdating ng 7:00 ng gabi, umalis ang biktima at nagpunta sa store na nasa tapat lang ng bahay ng tiyahin.

Bandang 8:00 ng gabi ay bumalik ang biktima sa bahay ng kanyang tiyahin.

Pagkatapos nito ay umalis ang biktima na nakasakay sa kanyang Yamaha Mio i 125 motorcyle nang hindi nila namamalayan.

Bandang 6:55 ng umaga kahapon, nakita na lang ang biktimang nasa kanal sa tabi ng maliit na tulay sa Brgy. Baliw Daya.

Nasa tabi nito ang ginamit na motorsiklo.

Ayon kay Police Capt. Joel P. Dasargo, hepe ng Sta. Maria MPS, may nakitang head injury ang biktima.

Posibleng tumama ang ulo nito sa flatbar nang mahulog ito sa kanal kaya nawalan ng malay at nalunod.

Dinala pa sa Ilocos Sur District Hospital ang biktima pero idineklarang dead-in-arrival ng umatending doktor. Rolando S. Gamoso