Riot sa QC Jail pinaiimbestigahan na ni Mayor Belmonte

Riot sa QC Jail pinaiimbestigahan na ni Mayor Belmonte

May 14, 2022 @ 11:20 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Pinaiimbestigahan na ng lokal na pamahalaang lungsod ng Quezon ang nangyaring riot sa Quezon City Jail Male Dormitory kahapon na ikinasawi ng isang Person Deprived of Liberty (PDL) at ikinasugat ng siyam na iba pa.

“Iniutos na natin ang malalimang imbestigasyon sa nangyaring riot sa Quezon City Jail para malaman ang puno’t dulo nito,” ani QC Mayor Joy Belmonte.

“Kailangang maparusahan ang mga nagpapabaya sa kanilang tungkulin kung mayroon man, upang hindi na maulit ang ganitong klaseng nagaganap sa ating mga kaganapan,” dagdag pa ng alkalde.

Binigyang-diin din ni Belmonte ang pangangailangan para sa BJMP na muling busisiin ang pinapatupad na mga protocol sa seguridad  upang maiwasan ang mga ganitong insidente na mangyari sa hinaharap.

Sa ulat kay QCPD Director PBGen Remus Medina, sinabi ni PLtCol Alex DJ Alberto, Station Commander ng QCPD Station 10, na nangyari ang kaguluhan sa pagitan ng naglalabanang miyembro ng Batang City Jail, Commando at Bahala na Gang dakong 3:00 ng hapon.

Sinabi ni Alberto na rumesponde ang QCPD Station 10 matapos makatanggap ng ulat hinggil sa gulo sa katabing jail facility.

Pagdating ng mga pulis, unang inihatid ng BJMP ang walong preso sa East Avenue Medical Center (EAMC)  para magamot sa iba’t ibang pinsalang dulot ng mga improvised na armas na sinasabing sumpak.

Bandang 4 ng hapon, dinala rin sa EAMC ang dalawa pang preso para na sugatan para gamutin ang tinamong mga sugat ng mga ito aa katawan.

Natahimik ang kaguluhan pasado 4:30 ng hapon at hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin matukoy ang pinag-ugatan ng riot ng mga PDL.

Taliwas naman ang naging ulat ng BJMP na ang kaguluhan ay tumagal lamang ng limang minuto at kanila ng naging kontrolado ang sitwasyon sa loob sa nabnggit na piitan. Jan Sinocruz