Risa dismayado sa kawalang programa ni PBBM vs korapsyon

Risa dismayado sa kawalang programa ni PBBM vs korapsyon

July 26, 2022 @ 11:40 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Nagpahayag ng matinding pagkadismaya si Senador Risa Hontiveros sa unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sanhi ng kawalan na binanggit na programa o patakaran laban sa pagsugpo ng korapsiyon sa gobyerno.

Sa pahayag, sinabi ni Hontiveros na tanging malalaking proyekto at programa ang binanggit ni Marcos na may potensiyal na pagmulan ng korapsiyon base sa dekadang karanasan sa pamahalaan.

“One concern, going forward, is that because these are big-ticket programs, these have the potential to be subject to corruption that should be mentioned. I was hoping he would talk about anti-corruption efforts given the history of plunder and graft and corruption in our country in the past decades,” ayon kay Hontiveros.

Aniya, inaasahan niyang babanggitin ni Marcos ang ibang isyu sa pamamahala at demokrasya.

Pero, tiniyak naman ni Hontiveros na kanyang susuportahan ang ibang binanggit sa SONA particular ang paghahanap ng alternatibong pagkukunan ng enerhiya at pagbibigay proteksiyon sa mga solo parents at iba pang burnerableng sektor.

“Mas maganda sana sa unang SONA kung nailatag nila ang kanyang mistyon sa bansa. Pero okey lang baka tinatrabaho na nila,” ayon sa mambabatas na isa sa miyembro ng minority bloc sa Senado.

Habang nagtatalumpati si Marcos, matuwid na tumindig si Hontiveros sa naganap na standing ovation pero hindi katulad ng karamihan, hindi siya pumalakpak.

“Dapat tutukan niya ang implementasyon ng mga programa na kailangan palakasin,” giit ng senadora.

Ngunit, tinabla ni Hontiveros ang panawaran ni Marcos na ibalik ang mandatoryong ROTC sa senior highschool dahil napatunayan nang hindi angkop ang military training sa kabataaan.

Aniya, maaaring ipakita ng kabataan ang kanilang pagmamahal sa bansa at magbigay ng serbisyo sa ibang pamamaran, hindi hindi sa military training.

“For those whose passion is life is military service, I give my full support to those young people. But for young Filipinos who want to serve the Motherland in other ways, let’s not force them into a single mold,” aniya. Ernie Reyes