RMSC, PhilSports inihahanda sa training ng Team Philippines – PSC

RMSC, PhilSports inihahanda sa training ng Team Philippines – PSC

September 19, 2022 @ 4:00 PM 1 week ago


MANILA, Philippines – Puspusan ang paghahanda ng Philippine Sports Commission (PSC) sa Rizal Memorial Sports Complex (RMSC) at PhilSports Complex para maging 100% operational ngayong taon bilang pangunahing training venue ng national team.

Sinabi ni PSC Chairman Noli Eala na ang sila ay “full steam ahead” sa pagtiyak na ang ahensya ay naghahatid ng mga serbisyo sa pambansang koponan at grassroot partners, kabilang ang paghahanda ng mga pasilidad nito para sa pagsasanay at mga kumpetisyon.

Sinabi ng pinuno ng sports agency na, “nasasabik kaming makita ang mga pambansang atleta na bumalik sa pagsasanay sa mga pasilidad na ito.”

Kasalukuyang isinasagawa ang pagkukumpuni at rehabilitasyon sa dalawang pangunahing pasilidad ng RMSC – ang Rizal Memorial Coliseum (RMC) at Ninoy Aquino Stadium (NAS) matapos magsilbi bilang government quarantine facility at medical center para sa mga pasyente ng COVID-19 noong 2020.

Ibinalik ng Armed Forces of the Philippines ang kontrol sa mga pasilidad noong Hulyo 19.

Ginagamit ang RMSC Baseball at Softball Field, Tennis Center, Swimming and Diving Pool, Wushu at Wrestling Gyms, Billiards at Judo Hall ang mga miyembro ng pambansang koponan para sa kanilang pagsasanay.

Bukas na rin ang bagong tayong Squash Center para sa mga pambansang atleta

Ang Track and Football Stadium na nagho-host ng AFF Women’s Championship 2022 noong Hulyo, ay kasalukuyang nagho-host ng mga laro ng Philippine Football Federation-sanctioned Philippine Football League na tatakbo hanggang Oktubre.

Inihahanda na rin, nililinis at sasailalim sa inspeksyon ang iba pang mga pasilidad, kabilang ang RMC, Badminton Hall, at Table Tennis Center, upang ganap na gumanang muli.

Tanging ang NAS lamang ang mananatiling pansamantalang sarado hanggang Setyembre 30 sa taong ito.

Matatandaang noong Hunyo ang PhilSports’ Multi-Purpose Arena sa Pasig City ay ibinalik sa PSC ng Philippine National Police.

Operational naman at ginagamit na sa pagsasanay ng pambansang koponan ang Philsports Complex Fencing Hall, Swimming Pool, Track and Field Oval at Football Field.

Magsasalo salo naman ang mga koponan ng Kurash at Karatedo sa mga training facility  sa 2nd floor  ng Philsports PSC Dining Hall.

 Sa kasalukuyan, ang mga miyembro ng national track and field at fencing teams ay naka-billet sa mga dormitoryo ng PhilSports.

Tiniyak ni Eala na ang mga health safety protocol ay sinusunod sa lahat ng mga pasilidad at patuloy na ilalagay upang maprotektahan ang kalusugan ng mga atleta.RICO  NAVARRO