Kahit saang panig ng Metro Manila, may makikitang ginagawang kalye o drainage na kakabit ang tatak o karatulang nagsasaad na proyekto iyon ng ilang ahensya ng gobyerno tulad ng Department of Public Works and Highways, Metropolitan Manila Development Authority at lokal na pamahalaang lungsod.
Ang mga pagawain ng pamahalaan, sumusubok sa haba ng pasensya ng maraming motorista at pasahero na araw-araw na lang ay dumaraan sa mga lugar na may pagawain.
Isang halimbawa na rito ang ginagawang drainage sa kahabaan ng Llano Road sa North Caloocan na talagang umuubos sa nakatagong pisi ng pasensiya ng mga residente ng lugar.
Napakatagal na ng panahon na inilaan sa paggawa ng drainage sa nasabing lugar na noon pang 2017 ay nasimulan na ngunit hanggang ngayon ay walang plano ang DS Sandil Construction and Realty Development na tapusin sa takdang panahon ang flood control solution project ng MMDA.
Araw at gabi kung maperwisyo ang mga taga-Sunriser Village na ilang metro na lang ang layo mula sa Silanganan dahil sa paputol-putol na pag- gawa ng drainage.
Ang ilang residenteng may minamanehong kotse ay walang pagpipilian kundi maidlip sa loob ng sasakyan at maghintay na umusad dahil sa nakaharang na heavy equipment ng DS Sandil Construction sa pagbuhos ng semento ng ginagawang drainage.
Walang aksyon patungkol sa daloy ng trapiko ang mga opisyal ng Barangay Llano kaya ang mga batang nanghihingi ng barya lang ang nagmamando ng trapiko.
Ang masaklap pa nito, ang ginagawang drainage ay hindi pa rin maayos ang pagkakagawa.
Siguro, makabubuting pasukin ng Caloocan City Police Station at Government ang pamamahala ng trapiko sa lugar upang maisaayos ang paggawa ng DS Sandil Construction sa drainage. Dapat ding ma-check ang permit ng construction company kung gaano talaga katagal nilang gawin ang proyekto ng MMDA.
Posibleng maisaayos nga ang baha sa lugar subalit bumabaha naman ng reklamo ang mga tao dahil sa sobrang traffic na dulot ng kilos-pagong na mga tauhan ng construction company na tila kinukuhanan pa ng komisyon ng ilang tiwaling prinsipal ng proyekto.
Mayor Oscar Malapitan, pwede bang pakiimbestigahan ang mabagal na paggawa ng drainage sa Llano na dahilan ng grabeng trapik sa lugar?
-PAKUROT NI BOTONES