ROAD SAFETY ISAALANG-ALANG

ROAD SAFETY ISAALANG-ALANG

February 10, 2022 @ 10:07 AM 8 months ago


NAGING huntahan natin noong nakaraang kolum ang tungkol sa road crash accidents.

Pag-uusapan naman natin ngayon ang road safety.

Sa isyung ito, ihahayag natin ang mga preventive measure at ang karagdagang reactive o mitigating measure.

Kadalasang nagiging sanhi ng aksidente ang drunk driving.  Sa US, ang pag-inom ng alak ang dahilan ng 30% kamatayan sa road crashes.

Mapanganib para sa isang driver ang pag-inom ng anomang alcoholic beverages.  Hindi nagiging normal ang senses ng isang tao na kritikal pa namang kailangan sa pagmamaneho.

Base sa RA 10586 o Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013, kapag napatunayang lumabag ang isang driver, maaaring siyang makulong ng hanggang tatlong buwan at pagmumultahin ng aabot sa P20K-P80K.

Bukod pa rito ang pagkumpiska sa kanyang driving license.

Mas mabigat pa ang parusa kung nagdulot ng physical injury o homicide ang kanyang paglabag.

Kaya dear readers, makinig sa kasabihang “do not drink and drive.”

Mahalaga ring isaalang-alang ang basic rules sa pagmamaneho.

Kailangang maging istrikto ang driver sa kanyang pasahero.

Bukod sa pasaherong nasa harapan, kinakailangan ding magsuot ng seatbelt ang mga nasa likuran. Magkakaproblema lang tayo nito sa jeepney at tricycle, he-he-he.

Proteksyon kasi ito para sa biglaang pagpreno at banggaan.

Mahalaga ring sundin ang mga road safety sign tulad ng minimum at maximum speed sa kalsada. Baka sa sobrang pagmamadali, hindi po natin mapansin ang mga blindspot, construction warning sign, open manhole, traffic light at pedestrian.

Sa motorcycle drivers, isuot po nang tama ang approved na helmet. Iwasang dumikit sa malalaking truck at sumingit sa pagitan ng mga sasakyan.

Huwag dumaan o harangan ang mga pedestrian at bicycle lane.

I-record sa mobile phone ang emergency hotline kung sakaling may aksidente at humingi ng tulong sa pulisya o barangay para sa madaliang rescue.

Para sa kumpletong pag-iingat, sundin ang schedule ng preventive maintenance system at ugaliing inspeksyunin ang sasakyan bago gamitin, ‘di ba Pareng Dex ng Palanan, Makati?

Pag-iingat, disiplina at mahabang pasensya ang atin pong baunin sa pagmamaneho.