Robin, binatikos sa baliktad na Philippine flag!

Robin, binatikos sa baliktad na Philippine flag!

December 8, 2021 @ 11:01 AM 10 months ago


Manila, Philippines – Mainit ngayon sa social media ang aspiring senator/actor na si Robin Padilla dahil sa baliktad na paglagay nito ng watawat ng Pilipinas.

Sa FB post ni Padilla, makikitang nagdadasal ito habang hagip sa background ang flag (nakataas ang pula) na nakasabit sa telebisyon.

Umani ito ng iba’t-ibang negatibong komento mula sa netizens. May ilan pa ngang idinamay ang pagtakbo nito bilang senador sa darating na 2022 elections.

Agad namang dumipensa si Binoe sa mga nasabing batikos.

“In shaa Allah.

“‘Wag niyo na po kwestiyonin ang pagkakaayos ko ng aking personal na bandila natin na baon ko sa aking paglalakbay. Personal ko po itong motibasyon sa sarili ko na pagkatapos magdasal ng fajr ay maglupang hinirang sa ganyang pagkakaayos ng bandila.

“‘Yan po ang aking inspirasyon sa araw araw upang hindi ko po makalimutan na ako ay nasa gera laban sa kahirapan, korupsyon at kolonisasyon.

“Pansarili ko lamang po ito,” paliwanag nito sa panibagong FB post.

Pinaliwanag man ang dahilan sa kabila ng baliktad na flag, mukhang cancelled pa rin siya sa ibang netizens.

Gayunpaman, may ibang nagtanggol pa rin sa kanya at sinabing “i-respeto” na lang ang nais ng aktor.

Hmm. Respeto? Bakit hindi niya na lang itama bilang “respeto” rin sa flag? Komento ng ilang netizens. Paula Jonabelle Ignacio