Robin, galit sa pera!

Robin, galit sa pera!

July 9, 2021 @ 9:22 AM 1 year ago


Manila, Philippines – Naging viral noon ang naging pahayag ni Robin Padilla na wala siyang naipon sa kabila ng itinagal-tagal niya sa industriya.

Ang pera raw kasing kinikita niya ay diretso sa pagtulong sa mga nangangailangan, lalo na sa mga kapanalig niyang Muslim.

Mula raw kasi nang mapiit siya noon sa bilibid, napagtanto niyang wala palang halaga ang pera.

Magkakaroon lang ng halaga ito kapag ginamit mo sa pagtulong sa ibang tao.

Para sa kanya, naging passion na rin niya ang magbigay ng ayuda sa mga nangangailangan.

Hirit pa niya, ang milyones daw na kinikita niya ay napupunta sa paggawa ng movies para mabigyan ng trabaho ang kanyang mga kasamahan sa industry na sa kasamaang-palad naman ay hindi kumita.

Idino-donate rin daw niya ito sa isang foundation at itinutustos sa pagpapagawa ng sementeryo para sa mga kapanalig na Muslims.

Minsan nga raw ay nasisita na siya ng kanyang misis na si Mariel pero naiintindihan daw naman nito ang kanyang adbokasya.

Ipinamimigay lang daw o ginagastos nila ang pera para sa ibang tao dahil feeling nila ay hindi naman nila kailangan.

“Pag sobra na, ipamigay mo na kaysa matapon… Lagi kong sinasabi yan kay Mariel kasi minsan umaangal sila e.

“Hindi naman away. Parang ano lang, parang nagugulat lang siya. Kasi minsan buo e, wala ka man lang tinira. In-explain ko naman sa kanya, kung nakita kong kailangan natin, bakit ko ipamimigay. Hindi naman natin kailangan,” esplika niya.

Ang talent fee raw na kinita nilang mag-asawa sa isang commercial ay ginastos nila noong Ramadan.

“Kinuha kami sa commercial, pinamigay namin ng Ramadan. Hindi na dumaan sa amin yun. Pagkabayad sa amin, bigay na namin kaagad sa mga Muslim. Nagpa-contest na ako. ‘Di naman ako nanghihinayang dun, masaya ako dun,”aniya.

“Nang dumating ‘yung pandemic, wala na yon, withdraw ko na lahat ‘yun. Pinamigay ko nitong pandemic. Binigay ko sa mga tao. Binigyan nga ako ng pera ng ABS-CBN pinambili ko ng bigas,” pagbabahagi niya. Archie Liao