Robredo binati si Sara; handa nang makipagpulong para sa transition

Robredo binati si Sara; handa nang makipagpulong para sa transition

May 30, 2022 @ 4:55 PM 1 month ago


MANILA, Philippines — Sumulat si Vice President Leni Robredo kay Vice President-elect Sara Duterte-Carpio para ipaabot ang pagbati nito sa pagkapanalo ng alkalde sa 2022 elections.

Sa kanyang sulat nitong Lunes, sinabi ni Robredo na natanggap niya ang sulat sa kanya ni Duterte-Carpio na may petsang Mayo 27 kung saan humiling ito ng inisyal na pagpupulong sa pagitan ng kanilang mga team.

Kasabay nito, sinabi ni Robredo na handa silang makipagkita kay Duterte-Carpio at sagutin ang mga tanong nito hinggil sa Office of the Vice President.

Titiyakin din aniya nila na magiging maayos ang transition nilang dalawa sa OVP.

Kaugnay nito, makikipag-ugnayan ang kanyang chief of staff  na si Undersecretary Philip Dy sa team ni Duterte-Carpio.

“Again, congratulations and all the best,” ani Robredo.

Matatandaang nanalo si Duterte-Carpio sa vice presidential rate matapos na makakuha ng 32,208,417 habang ang mahigpit nitong katunggali na running mate ni Robredo na si Senator Francis Pangilinan ay nakakuha lamang ng 9,329,207 votes. RNT/ JCM