Robredo: DOH, IATF mag-double time sa pagtugon sa pandemya

Robredo: DOH, IATF mag-double time sa pagtugon sa pandemya

May 31, 2021 @ 6:39 PM 2 years ago


MANILA, Philippines – Pinagdo-double time ni Vice President Leni Robredo ang Department of Health (DOH) at Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) sa pagresponde sa pandemya.

“Ako, naiintindihan ko naman, halimbawa DOH ang dami talagang inaasikaso ngayon, pero ano talaga, kailangan double time tayo kasi every day counts, eh,” ani Robredo sa radio show nito.

Aniya maraming reklamong natatanggap ang kanyang opisina ukol sa mabagal na pagresponde ng gobyerno sa pandemya.

“That’s why it is also essential that when there is a problem, we should respond immediately. If you’re still going to think about it, if there’s still bureaucracy, there are many lives that will be really affected,” saad ng bise.

Matatandaang humiling ang tanggapan ni Robredo sa IATF na baguhin ang quarantine levels sa mga lugar na may pagtaas ng kaso ng sakit.

“Pero lalo kasi na tumatagal, iyong lokal iyong nahihirapan. Iyong lokal iyong nahihirapan mag-contain kasi siyempre iyong magdedecide kasi IATF, ‘di ba. So kapag hindi—mabuti sana kung iyong lokal puwede nang sila na lang mag-declare,” giit ni Robredo.

Inilahad din nito ang mass resignation ng mga nurse sa Negros at iba pang lugar.

“Iyong reklamo talaga kahit gusto pa nila, iyong katawan umaayaw din eh kasi ang tagal na natin. Last year pa bugbog na ‘yung nurses natin. May mga doctor din. Bugbog na ‘yung mga health workers kasi walang pahinga since last year,” punto ni Robredo.

Aniya dapat bigyan ng insentibo ang mga ito upang masuklian ang sakripisyo ngayong pandemya. RNT/ELM