Robredo talo rin sa Magdalo survey

Robredo talo rin sa Magdalo survey

April 15, 2022 @ 11:57 PM 2 months ago


TULUYAN nang lumabo ang pag-asang manalo si Vice President Leni Robredo bilang Pangulo matapos lumabas sa mismong survey ng grupong ‘Magdalo’ na malayong nasa ikalawang puwesto si Robredo, halos 3 linggo na lang bago ang halalan sa Mayo 9, 2022.

Batay sa survey na isinagawa sa pagitan ng Abril 5 at Abril 7, 2022, kumuha lang si Robredo ng 23.4%, kumpara sa 60.9% ni dating senador, Ferdinand ‘Bongbong/BBM’ Marcos Jr., para sa kalamangan ni Marcos na 37.5 porsiyento.

Ang grupong Magdalo ay pinamumunuan ni dating Senador Antonio Trillanes IV, na solidong kaalyado ni Robredo.

Ang resulta ng survey ay galing naman sa isang senador na kaibigan ni Trillanes. Aniya pa, “hindi kumbinsido” ang kampo ni Robredo sa mga isinasagawang survey ng ibang kilalang pollsters katulad ng Social Weather Station, Pulse Asia, Laylo at Publicus Asia dahil mga “biased” umano ang mga ito pabor kay Marcos kaya inatasan ang Magdalo na gumawa ng sarili nitong pagpulso sa gustong iboto ng mga Pilipino sa darating na halalan.

Ang resulta ng survey ng Magdalo ay inaasahang magdudulot ng malawakang demoralisasyon sa kampo ni Robredo dahil mismong kaalyado na nito (Trillanes) ang nagsasabing wala siyang kapana-panalo sa darating na eleksyon.

Batay pa rin sa resulta, wala na ring pag-asa ang iba pang mga kandidato na talunin pa si Marcos o malampasan man lang si Robredo dahil wala kahit isa sa kanila ang nakakuha ng 10 porsiyento.

Sa resulta, nasa ikatlong puwesto si Sen. Manny Pacquiao na mayroong 6.7%; Manila Mayor, Isko Moreno, 5.3%; at, Sen. Ping Lacson, 2.6 porsiyento.

5 sa 10 Pinoy maliit ang tiwala kay Robredo—Publicus Asia

Habang papalapit ang halalan, dumarami naman ang mga Pinoy na walang tiwala kay Robredo, ayon naman sa resulta ng ‘Pahayag’ First Quarter Survey ng Publicus Asia na isinagawa sa pagitan ng Marso 30 at Abril 6, 2022, at sinasabing dagdag na dahilan kung bakit hindi siya ibobotong presidente ng karamihan sa mga Pinoy sa araw ng halalan.

Batay sa resulta, nasa 48.2% ang “low trust” rating ni Robredo o halos 5 sa bawat 10 ay “mababa” ang tiwala sa kanya, habang 27.2% lang ang may tiwala sa kanya.

Ang mga numero ay napakalayo rin kay Pang. Duterte na mayroong 61.8% na trust rating at 16.6% lang ang low trust rating.

Sapul noong 2021, hindi bumababa sa higit na 40% ang low trust rating ni Robredo, ayon pa rin sa ulat ng Publicus Asia. RNT