Rollback sa fuel tax, iginiit sa Senado

Rollback sa fuel tax, iginiit sa Senado

July 2, 2018 @ 12:29 PM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Iginiit sa Senado ang agarang pag-rollback sa excise tax ng produktong petrolyo upang mabawasan ang pasanin ng mahihirap na lubhang naapektuhan ng Tax Acceleration and Inclusion (TRAIN).

Sa pahayag, sinabi ni Senador Bam Aquino na panahon na para aksiyunan ng pamahalaan ang mataas na presyo ng bilihin at serbisyo sa gitna ng pagtaya ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na maaaring pumalo ang inflation rate ng hanggang 5.1 percent para sa buwan ng Hunyo at patuloy na paghina ng piso.

“Sa paghina ng piso, lalong nalulunod sa taas presyo ang mga Pilipino. Malaking porsiyento ng mga produkto sa merkado ay mayroong imported na raw materials, kaya ang tama ng pagbaba ng peso ay pagtaas na naman ng presyo,” wika ni Sen. Bam, bilang pagkontra sa pahayag ni Budget Secretary Benjamin Diokno na hindi makakasama sa bansa ang pagbaba ng piso.

“Pareho ang sinasabi ng datos ng gobyerno at karanasan ng maraming Pilipino, nalulunod ang taumbayan sa tumitinding taas presyo,” sabi ni Sen. Bam, isa sa apat na senador na kumontra sa ratipikasyon ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.

Nanindigan si Sen. Bam na ang pagtaas ng inflation rate at humihinang piso ay sapat na dahilan para ipatigil ng pamahalaan ang TRAIN Law.

“Ano pa po ba ang patunay na kailangan ng gobyerno para isuspinde na ang pahirap na TRAIN?” giit ni Sen. Bam, na nagsasagawa ng dayalogo sa iba’t ibang sektor sa bansa ukol sa epekto ng TRAIN Law sa presyo ng bilihin at serbisyo.

“Sabi nga po ng isang tindera sa Bicol, kaming mahihirap ang ginawang riles para umandar ang TRAIN,” wika ni Sen. Bam, na idinagdag pa na karamihan, kung hindi man lahat, ng kanilang nakakausap ay nabibigatan na sa tax reform law ng gobyerno.

“Dumarami pa po ang nasasagasaan ng TRAIN, kailan po ihihinto ng gobyerno pahirap na ito,” dagdag pa ng senador, na isinusulong ang suspension at rollback ng excise tax sa produktong petrolyo sa ilalim ng TRAIN Law upang makatulong sa pagbaba ng presyo ng bilihin.

Nanawagan si Sen. Bam sa pamahalaan na suportahan ang panukala niyang humihingi ng agarang suspensiyon ng excise tax sa produktong petrolyo sa ilalim ng TRAIN Law upang mapagaan ang pasanin ng publiko.

Kapag naisabatas ang panukala ni Sen. Bam, i-ro-roll back ang excise tax sa langis sa ilalim ng TRAIN Law kapag ang average inflation rate ay lumampas sa taunang inflation target sa loob ng tatlong buwan.

Isinulong din ni Sen. Bam ang buong pagpapatupad ng mga programang makatutulong sa mahihirap, tulad ng unconditional cash transfer program para sa mahihirap na pamilyang Pilipino at Pantawid Pasada program para sa jeepney operators at drivers. (Ernie Reyes)