Rollback sa presyo ng produktong petrolyo asahan sa sunod na linggo

Rollback sa presyo ng produktong petrolyo asahan sa sunod na linggo

July 2, 2022 @ 2:00 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Asahan na ng mga motorista ang bahagyang pagbaba ng presyo ng mga produktong petrolyo sa darating na linggo na puputol sa limang magkakasunod linggong pagtaas sa presyo ng diesel at apat na magkakasunod na linggo sa pagtaas naman ng gasolina.

Sa pagtaya sa presyo ng petrolyo ng kompanyang Unioil Petroleum Philippines, ang presyo ng kada litro ng diesel ay maaaring mabawasan ng P2.80 hanggang P2.90 habang nasa P0.10 kada litro o walang pagbabago naman sa presyo ng gasolina.

Nabatid naman sa industriya ng langis na ang presyo ng diesel ay maaaring mag-roll back ng P3.10 hanggang P3.30 habang ang presyo ng gasolina ay maaari ding bumaba sa pagitan ng P0.20 at P0.40 kada litro.

Karaniwang nag-aanunsyo ng price adjustments ang mga kompanya ng langis tuwing Lunes para ipatupad sa susunod na araw.

Matatandaan na nito lamang nagdaang Martes ay nagpatupad ng dagdag presyo sa mga produktong petrolyo ang mga kompanya ng langis sa bansa na P0.50 sa kada litro ng gasolina, P1.65 sa kada litro ng diesel, at P0.10 naman sa kada litro ng kerosene. JAY Reyes