Rollback sa presyo ng produktong petrolyo gugulong sa Martes

Rollback sa presyo ng produktong petrolyo gugulong sa Martes

September 12, 2022 @ 11:00 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Good news sa mga motorista lalo na sa mga drayber ng mga pampublikong sasakyan dahil muling magpapatupad ng bawas presyo sa mga produktong petrolyo ang mga kompanya ng langis sa bansa epektibo bukas.

Sa inilabas na abiso ng mga kompanya ng langis na pinangunahan ng Pilipinas Shell, Petron Corporation, Seaoil, PTT Philippines, Total Philippines, Unioil, Petro Gazz at Phoenix Petroleum magpapatupad sila ng oil price rollback na P0.45 sa kada litro ng gasolina, P1.45 sa kada litro ng diesel at P1.70 sa kada litro naman ng kerosene epektibo alas-6 ng umaga.

May bawas presyo din sa kahalintulad na halaga ang kompanyang Caltex (CPI) epektibo alas-12:01 ng madaling araw habang ang kompanyang Cleanfuel ay epektibo alas-8:01 ng umaga.

Ang ipatutupad na malakihang bawas presyo ng mga produktong petrolyo ay bunsod sa patuloy na paggalaw ng presyuhan nito sa pandaigdigang merkado.

Dalangin naman ng mga motorista lalo na ang mga tsuper na sana ay magtuloy-tuloy na umano ang pagbaba ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Matatandaan na nitong nakaraang linggo ay nagpatupad ng malakihang bawas presyo sa mga produktong petrolyo ang mga kompanya ng langis sa bansa na P2.60 sa kada litro ng gasolina, P1.55 sa kada litro ng diesel at P1.60 sa kada litro naman ng kerosene. JAY Reyes