Rollback sa produktong petrolyo, gugulong sa Martes

Rollback sa produktong petrolyo, gugulong sa Martes

November 28, 2022 @ 11:38 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Sasalubungin ng malakihang bawas-presyo sa produktong diesel at kerosene ang unang linggo ng Disyembre na ipatutupad ng mga kompanya ng langis sa bansa epektibo bukas.

Sa abiso ng mga kompanya ng langis sa bansa na pinangunahan ng Pilipinas Shell, Petron Corporation, Seaoil, PTT Philippines, Total Philippines, Unioil, Petro Gazz at Phoenix Petroleum, na P3.95 sa kada litro ng diesel at P2.65 sa kada litro ng kerosene habang barya-baryang bawas presyo naman na P0.85 sa kada litro ng gasolina epektibo alas-6 ng umaga.

May bawas-presyo din sa kahalintulad na halaga ng mga produktong petrolyo ang kompanyang Caltex (CPI) at CleanFuel epektibo alas-12:01 ng madaling araw.

Ang ipatutupad na bawas-presyo sa mga produktong petrolyo ay bunsod sa patuloy na paggalaw ng presyuhan nito sa pandaigdigang merkado.

Ito na ang ikalawang sunod na bawas-presyo sa mga produktong petrolyo ng mga kompanya ng langis sa bansa makaraang magpatupad din sila ng rollback nitong nakaraang linggo na P2.15 sa kada litro ng diesel, P2.10 sa kada litro ng kerosene at barya-baryang bawas presyo naman na P0.40 sa kada litro ng gasolina. JAY Reyes